Home NATIONWIDE Economic managers, sumuporta sa KALINGA Bill

Economic managers, sumuporta sa KALINGA Bill

70
0

MANILA, Philippines – Nagpahayag ng pasuporta ang ilang economic managers na dumalo sa pagdinig ng House Ad Hoc Committee on Legislative Energy Action and Development (LEAD) sa KALINGA bill na inihain ng liderato ng Kamara.

Ang House Bill No. 8834 na nagtatatag sa KALINGA Program o Komprehensibong Alalay sa Livelihood, Inflation, Negosyo at Goods Assistance ay naglalayong makapaglatag ng komprehensibong tugon ng gobyerno sakaling magkaroon ng mga pagsirit sa presyo ng langis.

Inihayag ang suporta sa pagdinig na pinangunahan ni Committee on Ways and Means Chair Miro Quimbo, kung saan tinalakay ang KALINGA bill para sa agaran at pinag-isang pagtugon sa buong bansa kapag may krisis sa langis.

Ang naturang panukala na inihain nina House Speaker Faustino Dy III at Majority Leader Marcos ay dinisenyo bilang “whole-of-government emergency response framework” upang matiyak ang sapat na suplay ng langis, pangunahing bilihin, at naibibigay ang mga kailangang serbisyo sa mga sektor na higit na nangangailangan sa panahon ng krisis.

Kabilang sa nagbigay ng suporta si Acting Budget Secretary Rolando Toledo ng  Department of Budget and Management (DBM) kung saan binanggit nito ang mga kailangang suporta upang maibsan ang pasanin sa patuloy na tensyon sa Gitnang Silangan.

“The DBM supports the proposed KALINGA bill, which aims to address the national emergency caused by global market disruption from conflict in the Middle East, with energy security at risk and rising fuel prices affecting vulnerable communities,” ani Toledo.

Paliwanag ni Toledo, magbibigay ang panukala ng “limited emergency powers” sa Pangulo upang mapanatili ang mga serbisyo at mapabilis ang pagpapakilos ng resources sa panahon ng krisis.

Inihalintulad naman ni Finance Undersecretary Karlo Fermin Adriano ang framework ng KALINGA Act sa mga Bayanihan laws na naging panangga ng bansa noong COVID-19 pandemic.

“The Department of Finance supports the KALINGA Act, which seeks to institutionalize a comprehensive national emergency response framework to mitigate economic instability, much like the Bayanihan laws served as a state shield during the COVID-19 pandemic,” sinabi naman ni Finance Undersecretary Karlo Fermin Adriano.

Dagdag pa ni Adriano sa pagdinig na “The KALINGA Act functions as a safeguard against the cascading effects of fuel-driven inflation and energy supply disruptions.”

Nagpahayag din ng suporta si Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev) Undersecretary Joseph Capuno dahil mapapatatag nito ang awtoridad ng Executive na tumugon sa emergency.

Maging ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), sa pamamagitan ni Director Dennis Bautista, ay kumampi sa layunin ng bill na magkaroon ng “coordinated whole-of-government framework” bilang tugon sa external shocks habang pinapanatili ang macroeconomic stability.

Sa kasalukuyan, pinagsasama-sama na ng LEAD Joint Committee ang lahat ng rekomendasyon upang isapinal ang bersyon ng KALINGA bill na tatayo bilang pangunahing legislative shield ng Pilipinas laban sa nagpapatuloy na krisis sa enerhiya. (Meliza Maluntag / Gail Mendoza)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here