MANILA, Philippines – Nanawagan ng pagkakaisa si Borongan Bishop Crispin Varquez upang kagyat na makabangon ang mga naapektuhan ng 6.0-magnitude na lindol.
Ipinagpapasalamat ni Borongan Bishop Varquez na bagamat malapit ang Borongan sa Gullian ay ligtas ang mamamayan at walang gaanong napinsala sa istraktura sa lalawigan.
Pero umapela ang Obispo sa mga nasalanta ng lindol at mga naapektuhan ng pagsabog ng bulkang Mayon na magkaisa sa dasal at pagbangon.
“Yung po nangyari sa earthquake kahapon sa Eastern Samar, malakas po siya pero hindi naman siya ganong katagal. Sa ilang segundo lang kaya hindi po gaanong kalaking damage, minimal lang po ang damage sa earthquake. Oo, so nakita ko po nga mas malaki siguro ang damage na nangyari sa Bicol Region sa pagputok ng Mt. Mayon,” ayon sa Obispo.
Ipinagdarasal din ng Obispo ang kaligtasan ng mga Pilipino sa anumang sakuna na maaring maganap sa bansa.
Hiniling din ng Obispo sa panginoon ang muling pagbangon ng mga biktima ng lindol at nasalanta ng ash fall sa patuloy na pagliligalig ng bulkang Mayon.
Sa naganap na malakas na pagyanig, nag-iwan ito ng structural cracks sa mga simbahan sa Eastern Samar.
Sa kabilang banda, umapela rin ng tulong sa publiko ang Social Action Center ng Diocese of Legazpi para sa libo-libong pamilyang naapektuhan ng panibagong pagliligalig ng Bulkang Mayon sa lalawigan ng Albay.
Sa inilabas na situation report ng SAC-Legazpi, nagbuga ang bulkan ng pinakamalakas na pyroclastic density current mula sa Mi-isi Gully noong Mayo 2, na nagdulot ng makapal na ashfall sa ilang barangay sa Oas, Guinobatan, Ligao City, at Camalig, dahilan upang mapilitang lumikas ang libo-libong residente.
Batay sa pinakahuling tala, mahigit 195,000 indibidwal o halos 56,000 pamilya mula sa 129 barangay ang naapektuhan ng pag-ulan ng abo, habang 1,133 pamilya o mahigit 4,000 katao ang kasalukuyang nanunuluyan sa 17 evacuation centers.
Nanatiling nasa Alert level 3 ang Bulkang Mayon kasabay ng mahigpit na pagpapatupad ng pagbabawal sa loob ng anim na kilomentrong Permanent Danger Zone.
Naitala rin ang paunang pinsala sa agrikultura kabilang ang pagkasira ng mga pananim, halaman, gayundin ang pagkamatay ng ilang alagang hayop dulot ng makapal na abo.
Kaya naman nangangamba ang mga residente sa posibleng epekto nito sa suplay ng pagkain at kabuhayan ng mga magsasaka habang nagpapatuloy ang assessment ng mga lokal na pamahalaan ng Camalig at Guinobatan sa kabuuang lawak ng pinsala.
“The Municipal Government of Camalig and Guinobatan are continuing its assessment to determine the full extent of agricultural damage and its impact on affected communities. Final figures on crop losses and estimated cost of damage are pending,” ayon sa ulat.
Dahil dito, inilunsad ng SAC-Legazpi ang isang donation drive para sa mga evacuee, kabilang ang face masks, inuming tubig, pagkain, at iba pang pangunahing pangangailangan.
Maaaring maghatid ng in-kind donations sa Albay Cathedral Compound sa Legazpi kung saan matatagpuan ang tanggapan ng SAC-Legazpi.
Para naman sa cash donations, maaari itong ipadala sa GCash account ni Legazpi SAC Director, Fr. Eric Martilliano sa 0995-749-6571, o sa BPI account na Social Action Center-SPM, sa account number na 0851-0067-37.
Hinihikayat ang mga donor na ipadala ang kopya ng kanilang transaksyon sa Facebook page ng SAC Legazpi para sa wastong pagkilala at maayos na dokumentasyon ng kanilang donasyon. Jocelyn Tabangcura-Domenden