Home TOP STORIES Benitez, itinutulak amyenda sa SIDA; moratorium sa sugar import, palalakasin regulasyon

Benitez, itinutulak amyenda sa SIDA; moratorium sa sugar import, palalakasin regulasyon

64
0

Isinusulong ni Negros Occidental 3rd District Representative Javier Miguel Benitez ang pag-amyenda sa Republic Act No. 10659 upang patatagin ang industriya ng asukal sa gitna ng patuloy na pabago-bagong produksyon, presyo, at suplay.

Inihain ni Benitez ang House Bill No. 9088 o ang Tunay na Ugnayan, Buhay, at Oportunidad sa Asukal (TUBO) Act of 2026 na naglalayong magpatupad ng malawakang reporma sa sektor.

Layunin ng panukala na tugunan ang hindi matatag na produksyon, presyo, at suplay ng asukal na iniuugnay ng mga stakeholder sa kakulangan sa regulasyon, mga polisiya sa pag-angkat, at pagpapatupad ng mga programa.

Sa ilalim ng panukala, palalawakin ang kapangyarihan ng Sugar Regulatory Administration upang i-regulate hindi lamang ang asukal kundi maging ang mga kapalit nito gaya ng high-fructose corn syrup at iba pang caloric at non-caloric sweeteners.

Nilalayon din nitong tugunan ang mga kakulangan sa regulasyon na ayon sa mga grupo sa industriya ay nagdulot ng oversupply at market distortion bunsod ng labis na importasyon, na nagresulta sa pagbaba ng farmgate prices.

Iminumungkahi rin ang mas inklusibong komposisyon ng SRA governing board sa pamamagitan ng pagdaragdag ng mga kinatawan mula sa sugar millers, planters, refineries, Small Farmers and Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs), mga manggagawa sa bukid at mill, at industrial users.

Inaatasan din sa panukala ang regular na konsultasyon sa mga stakeholder at ang pagpapalathala ng datos at mga desisyong polisiya upang mapahusay ang transparency.

Nakasaad din ang 18-buwang moratorium sa commercial sugar imports, alinsunod sa mga sitwasyon ng kakulangan sa suplay.

Kasama rin sa panukala ang mekanismo ng price support, emergency cash assistance para sa mga apektadong magsasaka, subsidiya para sa mga input sa sakahan, at pansamantalang loan relief program para sa maliliit na planters. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here