MANILA, Philippines – Shoot sa selda ang isang lalaki na nanutok baril sa kanyang kainuman at dalawang beses na nagpaputok nang masakote sa hot pursuit operation sa Malabon City, kahapon ng madaling araw.
Ayon kay Malabon Police Chief P/Col. Allan Umipig, mahaharap sa kasong Grave Threat, Art. 254 of RPC (Illegal Discharge of Firearm) at R.A 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunation Regulation Act) si alyas “Eric”, 42, ng M. Sioson St., Brgy. Dampalit.
Sa ulat ni Col. Umipig kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, dumalo ang biktimang si alyas “Nere”, 55, sa birthday party ng tiyahin ni alyas Eric kung saan nakainuman niya ang mga kaibigan at miyembro ng pamilya ng birthday celebrant, kabilang ang suspek.
Habang nag-iinuman bandang alas-3:15 ng madaling araw, nagkaroon ng argumento sa pagitan nina ‘Eric’ at ‘Neri’ hinggil sa isang usapin kaya nagpasiya na lamang na umuwi ang biktima subalit, sinundan siya ng suspek hanggang tutukan ng hawak na carbine bago dalawang ulit na pinaputok paitaas.
Nang makarating naman sa kaalaman ng Malabon Police Sub-Station 7 ang pangyayari, kaagad silang rumesponde sa lugar katuwang ang SWAT team para tugisin ang suspek na mabilis tumakas papasok sa kanyang bahay.
Hinabol siya ng mga pulis hanggang sa masukol at tumambad sa kanila sa loob ng bahay ng suspek ang hindi lisensyadong cal. 5.56mm airsoft rifle, air gun rifle, plastic AK-47 replica, carbine buttstock, at isang Beretta M12 firearm replica habang narekober ang ginamit na baril sa pagpapaputok.
Narekober naman ng pulisya sa kanto ng Sioson at Lote Streets, Brgy., Dampalit kung saan naganap ang panunutok at pagpapaputok ng baril ang isang basyo at tatlong bala ng carbine rifle. (Merly Duero)