MANILA, Philippines —Tinatayang aabot sa halos 200 miyembro ng House of Representatives ang handang sumuporta sa pag-apruba ng articles of impeachment laban kay Vice President Sara Duterte, ayon kay Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon nitong Martes.
“I think, as we speak, we are looking at almost 200 already—House members who are signifying their intent to support the impeachment,” ani Ridon sa isang panayam.
Kailangang makakuha lamang ng isang-katlo ng Kamara, o 106 sa 318 kongresista, upang maaprubahan ang impeachment at maipasa sa Senado, na siyang magpapasimula ng pormal na paglilitis.
Inaasahang boboto ang plenaryo sa Mayo 11 para sa apat na articles of impeachment na tumutukoy sa umano’y maling paggamit ng confidential funds, hindi maipaliwanag na yaman, bribery at corruption, at pagkontrata o pag-uudyok ng karahasan, kabilang ang umano’y pagbabanta sa matataas na opisyal ng pamahalaan.
Unang article ang umano’y maling paggamit at irregular liquidation ng hindi bababa sa PHP500 milyon confidential funds sa Office of the Vice President (OVP) at PHP112.5 milyon sa Department of Education (DepEd).
Ikalawa ang umano’y unexplained wealth at kabiguang ideklara nang kumpleto ang assets sa SALN; ikatlo ang bribery at corruption na kinasasangkutan ng mga opisyal sa ilalim ng kanyang awtoridad; at ikaapat ang umano’y pagbabanta sa matataas na opisyal ng gobyerno.
Ayon kay Ridon, nakabatay ang kumpiyansa ng Kamara sa mga ebidensyang inilatag sa mga pagdinig.
“Tiyak ho kami kasi tiyak ho kami sa ebidensya. Tiyak ho kami sa P6.7 billion total transactions na pumasok po at lumabas sa mga accounts po ng mag-asawang Duterte. At tiyak ho kami sa P448 million na pinapasoli ho sa kanya. Tiyak ho kami doon sa pagbabanta laban ho sa Pangulo,” aniya.
Dagdag pa niya, layunin ng Kamara na makakuha ng hanggang 250 suporta para sa impeachment, at ang Senado ang magpapasya sa magiging hatol sa kaso.
“I think it will really proceed to trial at the level of the Senate… they will of course take charge, as an independent body,” ani Ridon.
Sinabi rin niya na multi-party ang suportang nakukuha ng impeachment sa Kamara, kung saan inaasahang sasabay-sabay ang malalaking political blocs sa pag-apruba ng panukala. RNT