MANILA, Philippines — Nanawagan si Senador Christopher “Bong” Go na pabilisan at tiyaking nakatuon sa mga tunay na nangangailangan ang ipinanukalang ayuda ng pamahalaan para sa kasalukuyang krisis sa gasolina at ekonomiya, kasabay ng paalala na hindi dapat maapektuhan ang mahahalagang serbisyo ng gobyerno, lalo na sa kalusugan.
Ito ay matapos sabihin ng Department of Budget and Management (DBM) na aabot sa P155 bilyon ang kakailanganin para sa United Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) program. Maaaring kunin ang pondo mula sa savings ng mga ahensya, realignment ng budget, o hindi pa nagagamit na pondo sa 2025 at 2026 national budgets.
“Dapat bilisan ang tulong, pero siguraduhin nating makakarating ito sa mga tunay na apektado ng krisis. Ang importante dito, hindi masayang ang pondo at maramdaman agad ng mga ordinaryong Pilipino ang tulong ng gobyerno,” ani Go.
Ang UPLIFT ay isang whole-of-government response sa epekto ng krisis sa West Asia, na layong tulungan ang transportasyon, agrikultura, MSMEs, at mga pamilyang apektado ng pagtaas ng presyo ng langis.
Ayon kay Go, dapat maingat na pag-aralan ang anumang mekanismo ng pagpopondo, dahil nananatili pang subject to refinements ang panukala ng DBM depende sa available na savings at realignment.
Muli niyang iginiit ang pagsusuri sa posibleng paggamit ng hindi nagagamit na pondo ng gobyerno, ngunit may mahigpit na kondisyon.
“Kung gagamit tayo ng savings o unreleased appropriations, dapat malinaw ang proseso, malinaw ang beneficiaries, at malinaw ang epekto. Hindi pwedeng general lang. Dapat alam natin kung sino ang tutulungan, gaano kabilis, at paano masisiguro na hindi masasayang ang pondo,” ani Go.
Nagbabala rin ang senador na dapat hindi maapektuhan ang serbisyo ng gobyerno, lalo na sa kalusugan, at binanggit ang mga naging isyu sa paggamit ng pondo ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
“Kung kukuha tayo sa savings, siguraduhin nating hindi makokompromiso ang serbisyo ng gobyerno, lalo na sa kalusugan,” dagdag niya.
Ayon pa kay Go, maaaring bumaba ang tunay na halaga ng tulong kung patuloy na tataas ang presyo ng petrolyo.
“Ang problema, kung tataas na naman ang presyo ng petrolyo, baka lumiit na rin ang halaga ng tulong pagdating sa tao,” aniya.
Giit niya, dapat tumugon ang ayuda sa aktwal na pangangailangan ng mga tsuper, magsasaka, mangingisda, MSMEs, at mga pamilyang hirap sa gastusin.
Binigyang-diin din niya na sa panahon ng krisis, dapat mabilis, maayos, at direktang nakararating sa mga Pilipino ang tulong ng gobyerno. RNT