Home NATIONWIDE 700 PDLs nabigyan ng legal na tulong ng ‘Katarungan Caravan’

700 PDLs nabigyan ng legal na tulong ng ‘Katarungan Caravan’

89
0

MANILA, Philippines – Humigit-kumulang 700 Persons Deprived of Liberty (PDLs) ang nakatanggap ng legal na tulong mula sa “Katarungan Caravan” ng Department of Justice Action Center (DOJAC) sa Minimum Security Compound ng New Bilibid Prison (NBP) noong nakaraang linggo.

Ayon sa pahayag ng DOJ, ang inisyatibong ito, na pinangunahan nina Justice Undersecretary Margarita Gutierrez at DOJAC program director Assistant State Prosecutor Joan Carla Guevarra, ay nagpapakita ng pangako ng administrasyong Marcos sa makatao, inklusibo, at responsableng hustisya sa pamamagitan ng pagbibigay ng legal na tulong sa mga nasa loob ng correctional facilities.

Sa caravan, ang mga PDL ay binigyan ng gabay sa mahahalagang legal na usapin tulad ng Good Conduct Time Allowance (GCTA), parole, executive clemency, appeals, at iba pang legal na remedyo. Ito ang may pinakamataas na bilang ng mga natulungang PDL sa kasaysayan ng inisyatibo.

“Ito ay patunay ng aming pangako na maghatid ng tunay na hustisya para sa lahat, na umaabot sa mga pinaka-nangangailangan, kahit sa mga nakakulong,” sabi ni Justice Secretary Frederick Vida.

Mahigit 100 volunteer lawyers at law students mula sa pampubliko at pribadong sektor ang lumahok, kabilang ang Philippine Law School, Pamantasan ng Lungsod ng Maynila – College of Law, San Beda College Alabang – School of Law, at University of the Philippines – College of Law. Kasama rin ang mga legal organizations at pribadong practitioners tulad ng Integrated Bar of the Philippines, ACCRALAW, China Banking Corp., Espina & Yumul-Espina Law Office, at Poblador Bautista & Reyes Law Office.

Ayon sa DOJ, ang Katarungan Caravan sa New Bilibid Prison ay patunay ng walang humpay na pangako ng DOJAC sa restorative justice, pagbibigay ng kapangyarihan sa mga indibidwal, at pagtiyak na ang hustisya ay naaabot ng lahat, kabilang ang mga nasa likod ng rehas. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here