Home METRO P5M ayuda ipinamahagi ng Maynila sa 1,000 maliliit na negosyante

P5M ayuda ipinamahagi ng Maynila sa 1,000 maliliit na negosyante

61
0

MANILA, Philippines — Naglabas ang pamahalaang lungsod ng Maynila ng kabuuang P5 milyong puhunan para sa mahigit 1,000 maliliit na negosyante bilang bahagi ng pagpapalakas ng lokal na ekonomiya sa gitna ng lumalalang pandaigdigang krisis kaugnay ng sigalot sa Middle East.

Personal na pinangunahan ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso nitong Huwebes, Mayo 7, ang distribusyon ng ayuda sa San Andres Sports Complex sa Malate sa ilalim ng programang Kaagapay sa Kabuhayan ng Manila Department of Social Welfare.

Tumanggap ng tig-P5,000 ang bawat benepisyaryo bilang panimulang puhunan para sa pagpapalago o pagsisimula ng maliliit na negosyo tulad ng karinderya, banana cue vending, meryenda stalls, at iba pang kabuhayan.

Aminado si Domagoso na ramdam ng maraming pamilya sa Maynila ang epekto ng hindi pa nareresolbang tensyon sa Middle East at ang epekto nito sa ekonomiya ng bansa.

Ayon sa alkalde, dapat ituring ng mga benepisyaryo ang natanggap na ayuda bilang “seed money” na kailangang palaguin sa pamamagitan ng disiplina at maayos na paghawak ng pera.

“Habang may buhay, may pag-asa. Gusto ko isapuso ninyo. At hindi lang isapuso’t isipan, dapat niyo ‘yun isagawa,” ani Domagoso.

Ibinahagi rin ng alkalde ang sariling karanasan ng kanyang pamilya sa Tondo upang hikayatin ang mga benepisyaryo na magsikap at magtiyaga.

“Yung nanay ko, pagkakakita ng lote, nagtatanim ng talbos ng kamote. Talbos ng kamote ang tinanim, bahay na ang tumubo,” aniya.

Ayon kay Domagoso, patunay umano ito na hindi lamang malaking kapital ang susi sa pag-asenso kundi tiyaga at pagiging madiskarte sa buhay.

Kinuwento rin niya ang isang benepisyaryo noong panahon ng pandemya na nagamit umano ang natanggap na P1,000 ayuda upang makapagtayo ng isang matagumpay na food business na ngayo’y tampok na sa TikTok.

“Isang libo lang yung nakuha niya, isa na siyang sikat na kainan,” saad ng alkalde.

Hinimok din niya ang mga benepisyaryo na pairalin ang tinawag niyang “delayed gratification” o ang pag-iwas sa agarang paggastos ng sobrang kita upang mas maibalik ito sa negosyo.

“Wag mong ipagpagana sa sarili mo dala ng meron kang sobra sa ngayong araw na ito. ‘Yun ay patuloy mong isuli, itabi, at hangga’t maaari, ibalik mo sa negosyo,” dagdag niya.

Bukod sa cash assistance, namahagi rin ang lungsod ng 100 starter kits para sa pitong livelihood tracks kabilang ang Unisex Hair Cutting, Massage, Nail Care, Bread and Pastry, Hair Dressing, Cookery, at Skin Care.

Nagmula ang mga benepisyaryo sa anim na distrito ng Maynila, BASECO, at Manila Manpower Development Center (MMDC), kung saan prayoridad ang persons with disability (PWDs), solo parents, indigent families, senior citizens, special cases, at MMDC graduates.

Sa pagtatapos ng programa, nanawagan si Domagoso ng pagkakaisa upang tuluyang maibangon ang Maynila.

“Hindi ko kayang mag-isa. Kailangan ko kayong lahat. Magsama-sama tayo upang muling uminam ang sikat ng Manila Bay sa Lungsod ng Maynila, hindi sa atin man lamang kundi para sa susunod na salinlahi ng ating lungsod,” aniya. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here