MANILA, Philippines – Makakaranas ang buong Pilipinas ng bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms dahil sa easterlies, ayon sa PAGASA nitong Sabado ng umaga.
Nagbabala rin ang PAGASA sa posibleng flash floods o landslides tuwing may malalakas na thunderstorm.
Samantala, namataan ang Tropical Storm Hagupit nasa 1,165 kilometro silangan ng northeastern Mindanao bandang 3 a.m. nitong Sabado.
Taglay nito ang maximum sustained winds na 75 kph malapit sa gitna at pagbugsong hanggang 90 kph. Kapag nakapasok ito sa Philippine Area of Responsibility (PAR), tatawagin itong “Caloy.”
Inaasahan ng PAGASA na papasok ang bagyo sa PAR ngayong Sabado ng hapon o gabi.
Makakaranas naman ng katamtaman hanggang malalakas na hangin at katamtaman hanggang maalon na karagatan sa extreme Northern Luzon.
Sa silangang bahagi ng bansa, inaasahan ang katamtamang hangin at alon, habang mahina hanggang katamtaman namang hangin at dagat ang mararanasan sa iba pang bahagi ng bansa. RNT/MND