Home TOP STORIES Trump nag-anunsyo ng 3-araw tigil-putukan sa Ukraine, Russia

Trump nag-anunsyo ng 3-araw tigil-putukan sa Ukraine, Russia

86
0

WASHINGTON, USA – Nag-anunsyo si US President Donald Trump ng tatlong araw na ceasefire o tigil-putukan sa pagitan ng Ukraine at Russia simula Mayo 9. Umaasa si Trump na ito na ang simula ng mas matagal na kasunduan para matapos ang digmaan.

Nauna nang nagdeklara ang Russia ng pansamantalang tigil-putukan kaugnay ng pagdiriwang nito ng Victory Day para sa World War II. Sinabi naman ng Ukraine na dati na rin silang nag-alok ng ceasefire pero hindi ito pinansin ng Russia.

Ayon kay Trump, pumayag sina Russian President Vladimir Putin at Ukrainian President Volodymyr Zelenskyy sa tigil-putukan. Kasama rin dito ang pagpapalaya at palitan ng tig-1,000 bihag mula sa magkabilang panig.

Bago magsimula ang ceasefire, nagpatuloy pa rin umano ang mga pag-atake. Sinabi ng Ukraine na hindi bumaba ang opensiba ng Russia, habang iniulat naman ng Russia na nakapagpabagsak ito ng daan-daang Ukrainian drones, kabilang ang ilan na target ang Moscow.

Patuloy pa ring mataas ang tensyon sa pagitan ng dalawang bansa habang hirap umusad ang usapang pangkapayapaan. Ang digmaan, na nagsimula noong 2022, ay itinuturing na pinakamalalang labanan sa Europe mula noong World War II. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here