CEBU, Philippines – Sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na committed ang ASEAN na mapanatili ang freedom of navigation o malayang paglalayag sa South China Sea.
Ito ay matapos pagtibayin ng mga lider ng ASEAN ang Maritime Cooperation Agreement, na nagmumungkahing magtayo ng ASEAN Maritime Center sa Pilipinas.
Ayon kay Marcos, mahalagang magkaroon ng sentrong tututok sa maritime issues habang lumalala at nagiging mas komplikado ang sitwasyon sa South China Sea.
Nilinaw naman ng Pangulo na hindi ito para kalabanin ang China.
“What we are looking for, or what is the ultimate reason for having this Maritime Center is not to confront or not to somehow push back on any single force or any single country,” ani Marcos.
Dagdag pa niya, layunin ng sentro na mapanatili ang ligtas at mapayapang paglalayag sa South China Sea, na isa sa pinakamahalagang rutang pangkalakalan sa buong mundo.
Binigyang-diin din niya na kapag nagkaroon ng problema sa South China Sea, malaki ang magiging epekto nito sa pandaigdigang kalakalan at ekonomiya.
Ayon kay Marcos, inaasahang tututok ang Maritime Center sa monitoring ng mga barko, illegal fishing, smuggling, human trafficking, at iba pang ilegal na gawain sa karagatan.
Sinabi rin niya na magkakaisa ang mga bansang kasapi ng ASEAN at iba pang stakeholders upang pagsamahin ang kanilang monitoring efforts para maiwasan ang kakulangan o pag-uulit ng trabaho at mapanatili ang kapayapaan sa South China Sea.
Wala pa namang ibinigay na timeline kung kailan tuluyang maitatayo at magsisimula ang operasyon ng ASEAN Maritime Center. RNT/MND