Home NATIONWIDE Kasinungalingan ni VP Sara ukol sa gov’t funds, kinastigo ng Malakanyang

Kasinungalingan ni VP Sara ukol sa gov’t funds, kinastigo ng Malakanyang

77
0

MANILA, Philippines – Kinastigo ng Malakanyang si Vice President Sara Duterte para sa pagpapakalat ng misinformation at disinformation ukol sa sinasabing kakapusan ng pondo ng gobyerno.

Sa pagsasalita sa mga mamamahayag sa Cebu, hinamon ni Palace Press Officer Claire Castro si VP Sara na magpakita ng ebidensiya na susuporta sa kanyang pahayag.

“Sige hingin niyo muna yung ebidensya sa kanya at tsaka ko sasagutin pag may ebidensya na siya. Puro misinformation and disinformation,” ayon kay Castro.

Inihayag ito ni Castro makaraang sabihin ni VP Sara na kinakapos na sa pondo ang gobyerno.

Sa ulat, binatikos din ni VP Sara ang kasalukuyang administrasyon sa tumataas na national debt at unemployment, itinurong dahilan sa mga usapin ang kakulangan ng pagtuon ng pansin ni Pangulong Marcos sa kanyang pamamahala.

Todo-depensa naman si Castro sa economic policies ng administrasyon, binigyang diin na ang panghihiram o pangungutang ng gobyerno ay normal lamang para suportahan ang serbisyo publiko at mga proyekto.

Idinagdag pa niya na ang malaking utang ng administrasyong Marcos ay minana mula sa nakalipas na administrasyon na pinangunahan ng ama ni VP Sara na si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

“Ngayon, kung meron tayong mga pagkakautang, ito ay normal naman sa ibang bansa para maibigay na tulong sa ating mga kababayan. At tandaan po natin, lumaki po ang utang hindi po sa panahon ngayon lamang,” aniya pa rin.

“Lumaki ang utang dahil namana po ni Pangulong Marcos Jr. ang napakalaking utang na nakuha ni dating pangulong Duterte at ito ay napabayaan di umano dahil sa pang-aabuso sa Pharmally at mga ghost projects noon ng Build, Build, Build,” ang tinuran ni Castro.

Ipinagtanggol naman ni Castro si Pangulong Marcos laban sa alegasyon ni VP Sara na hindi talaga nagta-trabaho ang Pangulo.

Ipinamukha ni Castro kay VP Sara ang kamakailan lamang na engagements ni Pangulong Marcos kabilang na ang nationwide rollout ng pinalawig na government aid program at ang nagpapatuloy na monitoring ng situwasyon sa Albay sa gitna ng pagiging maligalig ng Bulkang Mayon.

“Nakita niyo po kung gaano po magtrabaho ang Pangulo. Ngayon po nandito siya, abalang-abala sa ASEAN Summit. Ang mga concerned agencies at departments ng Ehekutibo ay nandito para magtabaho.

Samantalang ang Bise Presidente nandoon po sa ibang bansa at nagbabakasyon,” ani Castro.

Binanggit din ni Castro ang kamakailan lamang na pag-amin ni VP Sara na hindi siya sanay sa paggamit ng computers, kagyat namang naging alalahanin ito sa kanyang kakayahan sa pamumuno.

“Kaya nga sabi natin mas maganda mag-aral muna siya mag-computer para alam naman niya yung mga katotohanan. Nakakalungkot po,” diing pahayag ni Castro. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here