MANILA, Philippines – Ipinahayag ng Department of Health (DOH) noong Biyernes na patuloy itong nagmo-monitor at naghahanda sa anumang posibleng epekto ng hantavirus outbreak, lalo na kaugnay ng 38 Pilipinong tripulante ng MV Hondius na hinihiling na makauwi sa Pilipinas.
Ayon kay DOH spokesperson Undersecretary Albert Domingo, may kakayahan ang bansa na mag-test ng hantavirus gamit ang PCR machines na ginamit noong pandemya, kailangan lamang palitan ang “primer.” Mayroon ding tatlong institusyon sa bansa na may electron microscope na maaaring makatulong sa pagtukoy ng virus.
Nakikipag-ugnayan ang DOH sa Bureau of Quarantine (BOQ), na patuloy na nagmomonitor ng mga border ng bansa, at sa mga katapat na ahensya sa ibang bansa sa ilalim ng International Health Regulations (IHR).
Sinabi ni Domingo na ipatutupad ang mahigpit na health protocols sa MV Hondius na kasalukuyang may 38 Pilipinong crew, at nasa Canary Islands sa Spain. “Our kababayans, our 38 seafarers will be humanely and with dignity screened for the virus, for the infection,” aniya.
Kapag natiyak ng mga awtoridad na ligtas ang mga crew, susundin pa rin ang mahigpit na proseso bago sila payagang makauwi sa Pilipinas sa gabay ng World Health Organization (WHO).
Ayon sa ulat, tatlong pasahero ng barko ang namatay at isa ang nasa kritikal na kondisyon dahil sa infection. Sinabi naman ng Department of Migrant Workers na ang 38 Pilipinong crew ay nananatiling walang impeksyon at nasa maayos na kalagayan.
Giit ng DOH, “Nothing is being hidden, people know what to expect and we are managing risks accordingly,” at wala pa silang nakikitang disinformation kaugnay ng kaso.
Nagpaalala rin ang ahensya sa publiko na panatilihin ang kalinisan upang maiwasan ang hantavirus, na naipapasa sa tao sa pamamagitan ng ihi, dumi, o laway ng infected na daga. Pinayuhan ang publiko na huwag magwalis nang tuyo kapag may posibleng kontaminasyon at gumamit ng basang pamunas at proteksyon.
Ayon sa DOH at World Health Organization (WHO), ang hantavirus ay bihira, hindi madaling maipasa mula tao sa tao, at mababa ang risk sa publiko, ngunit maaari itong maging malubha at walang tiyak na lunas, kaya ang paggamot ay nakatuon sa pag-alis ng sintomas. RNT/MND