MANILA, Philippines – Bahagyang tumaas ang bilang ng mga pamilyang Pilipino na itinuturing ang sarili bilang mahirap sa unang quarter ng 2026, ayon sa pinakabagong survey ng Social Weather Stations (SWS).
Sa survey na isinagawa mula Marso 24 hanggang 31, 2026, lumabas na 52% o humigit-kumulang 14.5 milyong pamilya ang nagsabing sila ay “mahirap,” mas mataas ng 1 puntos mula sa 51% noong Nobyembre 2025.
Ayon sa SWS, ang Self-Rated Poverty ay matagal nang sinusukat mula pa noong 1983, kung saan umabot ito sa pinakamataas na 74% noong Hulyo 1985 at bumaba sa pinakamababa na 38% noong Marso 2019.
Sa parehong survey, 13% ng pamilya ang nagsabing sila ay “borderline poor” habang 35% ang nagsabing “not poor.”
Samantala, 42% ng mga pamilya ang nagsabing sila ay “food poor,” 12% ay “food borderline,” at 46% ay “not food poor.” Bahagyang mas mataas ito kumpara sa 40% noong Nobyembre 2025.
Mas mababa naman ang self-rated poverty sa mga pamilyang may miyembro na OFW (34%) kumpara sa non-OFW families (53%).
Ayon pa sa SWS, ang pagtaas ng self-rated poverty ay naitala sa Visayas at Metro Manila, habang bahagyang bumaba sa Mindanao at Balance Luzon.
Sa kabuuan, tinatayang 6.7% ang “newly poor,” 9.8% ang “usually poor,” at 35.5% ang “always poor,” na nangangahulugang halos 9.9 milyong pamilya ang matagal nang nananatiling mahirap. RNT/MND