Home METRO Simula ng BARMM COC filing, mapayapa – Comelec

Simula ng BARMM COC filing, mapayapa – Comelec

68
0

MAGUINDANAO DEL SUR, Philippines – Ikinatuwa ng Commission on Elections (Comelec) ang maayos at mapayapang pagsisimula ng proseso ng halalan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), matapos walang maitalang election-related violence sa filing ng certificates of candidacy (COCs) ngayong linggo.

Ayon kay Comelec spokesperson John Rex Laudiangco, wala pang naiuulat na karahasan mula sa Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) mula nang magsimula ang election period.

“Sa kabutihang palad po nang pumasok po ang ating election period ay wala pa naman po tayong naitatala at wala pa rin naman pong naiulat na election-related violence po iyong ating mga PNP at ating AFP,” aniya.

“Sana po… ay magtuluy-tuloy po ang ganitong sitwasyon natin na wala pong karahasan,” dagdag niya.

Karamihan sa isyu sa filing ng COCs ay kakulangan o pagkakamali sa mga requirements tulad ng forms at litrato, na agad namang pinapabago ng Comelec.

Ayon kay Laudiangco, mahalaga ang pagsusumite ng larawan ng mga kandidato dahil ilalagay ito sa balota ng BARMM elections upang mas madaling makilala ng mga botante ang kanilang iboboto.

“Napakaganda po nito… makikita po sa balota mismo ang logo ng political parties at larawan ng mga kandidato,” aniya.

Dagdag pa niya, maaaring magsilbing modelo ang sistemang ito para sa mga susunod na halalan sa bansa.

Ipinaliwanag din ng Comelec na sa BARMM elections, ipinagbabawal ang pagtakbo ng mga magkakamag-anak hanggang second civil degree sa loob ng iisang partido.

Ayon kay Laudiangco, ang bawat political party ay maghahain ng 40 nominees, at kinakailangan ng affidavit of non-affinity upang patunayan na walang magkakamag-anak sa mga kandidato.

“Ito po ay napakaganda dahil parang anti-political dynasty provision po ito sa electoral code,” aniya.

Magpapatupad din ng gun ban at checkpoints sa mga susunod na buwan bilang paghahanda sa halalan sa BARMM na nakatakda sa Setyembre 14, 2026.

Paalala ng Comelec sa publiko na makiisa at huwag mabahala sa mga checkpoints, dahil bahagi ito ng seguridad at kaayusan ng eleksyon.

Tiniyak din ng Comelec ang transparency sa proseso ng halalan sa pamamagitan ng livestreaming ng mga aktibidad tulad ng paggawa at pag-imprenta ng balota. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here