Home OPINION PERA O KONSENSYA?

PERA O KONSENSYA?

117
0

DALAWA ang lumilitaw ngayong araw na batayan ng pagboto ng mga kongresman ukol sa articles of impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.

Pera at konsensya.

Pananagutan o accountability?

Tila wala itong lugar kundi palamuti lamang o katumbas ng fake news lang.

PERA

Lumitaw ang pera na binubuo umano ng P5 milyong cash, P3M buwanang Maintenance and Other Operating Expenses o MOOE at P150M proyekto at para sa mga pro-impeachment ito, ayon kay Senator Manang Imee Marcos.

Todo deny naman dito ang namumuno ng Committee on Justice na si Batangas Congresswoman Gerville Luistro at si Tingog Party-list Rep. Jude Acidre.

Kung matatandaan, ang naunang impeachment na dead on arrival sa Senado noong nakaraang taon ay nilinaw ni Navotas Congressman Toby Tiangco na itinulak ng “For Later Release” o FLR na malalaking pondo.

Nagkandarapa noon ang 215 kongresman na pumirma at may humabol pa na iba dahil sa FLR.

Iba namang ang pabuya ngayon at si Manang Imee naman ang nagbuking ng malakihang salapi na kapalit ng “Yes” na boto.

Hindi umatras si Tiangco sa paratang nito at hanggang ngayon, inilalabas ang balita sa FLR.

Si Manang Imee kaya?

KONSENSYA

May mga kongresman na nananawagan ng paggamit ng konsensya sa botohan.

Mayroon ding mga taga-labas gaya ng ilang grupong relihiyoso.

Ang sabi nila, dapat himayin ng mga kongresman ang mga paratang o articles of impeachment at mga ebidensyang kalakip at gamitin ng mga kongresman ang kanilang konsensya sa pagboto.

Konsensya ang gagamitin sa kasinungalingan o katotohanan sa mga paratang?

MAS MALAPOT: PERA O KONSENSYA?

May kasabihang blood is thicker than water.

Kapag may mga nag-aaway, karaniwang nagkakampihan ang mga magkakamag-anak laban sa iba at dito napatutunayan ang kasabihang mas malapot ang dugo kaysa tubig.

Pero sa labanan ng pro- at anti-impeachment, alin ba ang thicker o mas malapot: pera o konsensya?

106 BOTO, OKS NA

Sinasabing may 318 kongresman, kasama ang mga partylist representative.

Para sa mga pro-impeachment, mauulit umano ang 215 na boto noong nakaraang impeachment.

At kung 106 lang ang minimum na boto, lagpas-lagpas ang makokorner nilang boto kahit pa hindi nila makuha ang 215 boto.

Para naman sa mga anti-impeachment, huwag umanong magpapakasiguro ang mga pro-impeachment.

Dahil may mangyayari baka hindi matuloy mismo ang sesyon dahil sa posibleng kawalan ng quorum sa pag-absent ng marami.

Ano nga kaya ang magaganap sa maghapon ngayon na botohan?

SA SENADO

Ayon pa kay Manang Imee, wala siyang nababalitaang pera-pera ang magiging labanan sa Senado sakaling matuloy ang pag-akyat ng articles of impeachment dito.

Kanya-kanyang konsensya lamang umano ang magiging batayan ng pagboto.

At dito magiging alanganin kung mai-impeach si VP Sara.

‘Yun bang === alanganing mapatalsik siya sa pwesto at alanganing maparusahan siya ng kawalan ng anomang karapatang muling humawak ng pwesto sa pamahalaan bilang mga parusa.

Maghintay na lamang tayo ng magaganap at kung may mga pinanindigan tayo sa alinmang posisyon, pro- o anti-impeachment, dapat nakahanda tayong humarap at lumahok sa anomang labanan at paghuhusga.

‘Yan ang isang tanda ng hinog na demokrasya.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here