Home NATIONWIDE PNP handang ipatupad arrest warrant vs Sen. Bato

PNP handang ipatupad arrest warrant vs Sen. Bato

78
0

MANILA, Philippines – Sinabi ng Philippine National Police nitong Martes na handa itong ipatupad ang arrest warrant ng International Criminal Court laban kay Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa ngunit daraan lamang umano ito sa Interpol at may kaukulang utos mula sa lokal na hukuman.

Ayon kay PNP spokesperson Police Brigadier General Randulf Tuaño, malinaw umano ang direktiba ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na pairalin lamang ang contingency plan kung may kumpirmadong ICC warrant.

“Malinaw naman po ‘yung instruction ni SILG (Secretary of the Interior and Local Government) sa atin pong Chief PNP na i-implement lamang po ‘yung contingency plan kung saka-sakali na may confirmed na ICC warrant,” ani Tuaño sa panayam sa isang ulat.

“Ito ay papadaanin sa Interpol at through [the National Central Bureau in Manila] o kaya [the Philippine Center on Transnational Crime] at may court order. Handa naman po ang PNP para i-implement po ito,” dagdag niya.

Nauna nang kinumpirma ng ICC ang paglalabas nito ng arrest warrant laban kay Dela Rosa kaugnay ng umano’y crimes against humanity sa madugong war on drugs ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sinabi naman ni dating senador Antonio Trillanes IV na naipadala na sa Philippine Center on Transnational Crime ang kopya ng warrant.

Nagbalik sa Senado si Dela Rosa nitong Lunes matapos ang ilang buwang pagliban at kabilang siya sa mga bumoto para mapalitan si Vicente Sotto III bilang Senate president at maitalaga si Alan Peter Cayetano.

Naiulat din na nagtangkang isilbi ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation ang ICC warrant sa loob ng Senado dahilan upang ilagay si Dela Rosa sa protective custody ng kamara.

Kasunod nito, sinabi ni Cayetano na hindi maaaresto si Dela Rosa noong Lunes ng gabi matapos siyang makipagpulong kay NBI Director Melvin Matibag kaugnay ng contempt order laban sa ilang NBI agents.

Samantala, sinabi ng Torreon and Partners, legal counsel ni Dela Rosa, na naghain sila ng urgent manifestation sa Supreme Court of the Philippines upang humingi ng judicial guidance hinggil sa ICC warrant at pansamantalang pagpigil sa kanyang pag-aresto o paglipat sa isang foreign tribunal. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here