MANILA, Philippines – Kinuwestiyon ni dating senador Antonio Trillanes IV ang desisyon ng Senado na ilagay si Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa sa protective custody sa kabila ng arrest warrant na inilabas ng International Criminal Court kaugnay ng umano’y crimes against humanity sa war on drugs ng administrasyong Duterte.
“Magke-create sila ng constitutional crisis. Pero alam niyo po, yung ginawa ni Senator Cayetano obstruction of justice ‘yan kasi valid warrant po ito ng ICC na na-transmit via the INTERPOL, na sineserve ng ating local authorities,” pahayag ni Trillanes sa isang ulat.
Binanggit ni Trillanes ang Republic Act 9851 na nagbibigay umano ng kapangyarihan sa mga awtoridad ng Pilipinas na isuko sa international tribunal ang mga akusadong nahaharap sa imbestigasyon kaugnay ng crimes against humanity at genocide.
“At mayroon po tayong batas, yung Republic Act 9851, na nakalagay po doon, na kapag may isang akusado na iniimbestigahan ng international tribunal sa mga kasong crimes against humanity, genocide, at iba pa, ang awtoridad ay maaaring i-surrender ito sa international court na ‘yun. Wala pong basehan ang protective custody,” dagdag niya.
Samantala, sinabi ni bagong halal na Senate President Alan Peter Cayetano na “immorally, illegally” umanong hinabol ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation si Dela Rosa sa loob ng Senado.
“So today po, immorally, illegally, lahat po ng violation ay ginawa nila. Nakipaghabulan sila sa loob ng Senado. May proseso po ang pag-serve ng warrant,” ani Cayetano.
Iginiit ni Cayetano na dapat munang nakipag-ugnayan ang mga awtoridad sa liderato ng Senado bago subukang isilbi ang warrant. Binanggit din niya ang Senate Resolution 44 na nagsasaad umano na kailangang dumaan muna sa lokal na hukuman ang mga foreign warrant.
Kinuwestiyon din ni Cayetano ang pagpunta ni Trillanes sa Senado habang may hawak na kopya ng ICC warrant.
“Ang problema nga, in what capacity ba si Senator Trillanes? Bigla na lang magpapakita dito may warrant. Is he with the INTERPOL? Is he with the ICC? Police ba siya?” ani Cayetano.
Nilinaw naman ni Trillanes na hindi siya kabilang sa humabol kay Dela Rosa ngunit binatikos nito ang senador dahil umano sa pag-iwas sa mga awtoridad.
“Wala po ako doon physically, pero sana nga nandoon ako para na-wrestling ko itong mamang ito at nadala na sa kotse ng NBI,” aniya.
“Nahihiya pa yung ibang ahente, binully niya, sinigaan niya, o tapos nung nakalusot siya, takbo siya. Hindi pupwede yung ganyan. Nagpapatay ka ng libo-libong Pilipino tapos iiwas ka ng hustisya.” RNT