Home TOP STORIES Nangyari sa Senado, ‘di lang simpleng palit-liderato – Goitia

Nangyari sa Senado, ‘di lang simpleng palit-liderato – Goitia

109
0

MANILA, Philippines – IGINIIT ng dating lider ng iba’t ibang civic at democratic organizations na higit pa umano sa simpleng pagbabago ng liderato ang nangyari sa Senado nitong Lunes matapos mapalitan si Senate President Vicente Sotto III ni Alan Peter Cayetano.

Ayon kay Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia, malinaw umano na may layunin ang naging hakbang ng ilang senador upang pigilan ang nakaambang impeachment trial laban kay Sara Duterte bago pa ito tuluyang umusad.

Sinabi ni Goitia na mahirap balewalain ang sunod-sunod na pangyayari sa Senado, kabilang ang pagbabalik umano ng isang matagal nang hindi nakikitang senador at ang paglipat ng apat na senador mula sa mayorya patungo sa kabilang kampo. Sa pamamagitan ng 13 boto, natanggal si Sotto bilang Senate President at pinalitan ni Cayetano.

Nauna nang nagpahayag si Sotto na handa niyang buksan ang impeachment court sakaling maipadala ng Kamara ang articles of impeachment laban kay Duterte. Ngunit bago pa man ito mangyari ay naalis na siya sa puwesto.

“Hindi ito simpleng usapin ng liderato. Ang tunay na layunin ay pigilan ang impeachment trial na umusad,” pahayag ni Goitia.

Ayon pa kay Goitia, mas mabigat kaysa sa pulitika ang ipinakita ng naturang pangyayari dahil aniya’y nasubok ang paninindigan ng ilang senador na matagal nang nagpapakilalang maka-Diyos at makabayan.

“Madaling magsalita tungkol sa prinsipyo kapag walang kapalit. Pero ang tunay na karakter ng lider ay lumalabas kapag mahirap na ang desisyon,” dagdag niya.

Tinukoy rin ni Goitia si Ronald dela Rosa, na muli umanong lumitaw matapos ang ilang buwang pagkawala upang makaboto sa isa sa pinakamahalagang usapin sa Senado.

Ayon kay Goitia, sariwa pa rin umano sa alaala ng publiko ang papel ni dela Rosa sa war on drugs, kung saan maraming mahihirap na Pilipino ang nasawi habang may mga malalaking personalidad umano sa ilegal na droga na hindi naparusahan.

“Hindi basta nakakalimutan iyon ng taumbayan. Kaya natural lang na magtanong ang mga tao kapag may isang pulitikong matagal nawala tapos biglang babalik sa isang kritikal na sandali,” ani Goitia.

Tinuligsa rin niya ang panawagan ng bagong mayorya hinggil sa “unity,” dahil para sa kanya ay nawawalan ito ng saysay kung ginagamit lamang upang iwasan ang pananagutan at pagsisiyasat.

“Ang tunay na pagkakaisa ay may kasamang transparency. Kapag pinipigilan ang tao na magtanong sa mga nasa kapangyarihan, humihina ang demokrasya,” saad niya.

Nagbabala rin si Goitia hinggil sa umano’y lumalaking impluwensya ng mga dayuhang interes sa pulitika ng bansa. Aniya, dapat maging mapagmatyag ang publiko sa mga lider na tila mas inuuna ang interes ng ibang bansa kaysa kapakanan ng sambayanang Pilipino.

Kasabay nito, nagpahayag siya ng suporta kay Ferdinand Marcos Jr. sa pagsusulong umano nito ng soberanya ng bansa sa gitna ng tumitinding tensyon sa rehiyon.

Gayunman, sinabi niyang hindi sapat na ang Pangulo lamang ang kumikilos upang protektahan ang bansa.

“Hindi puwedeng manahimik na lang ang mga Pilipino habang unti-unting naaapektuhan ang ating mga institusyon. Kailangang ipagtanggol ang bansa, ang ating kalayaan, at ang ating demokrasya bago pa lumala ang sitwasyon,” ani Goitia.

Binigyang-diin din niya na ang mga nangyayari sa Senado ay hindi lamang simpleng political drama kundi bahagi umano ng unti-unting pagbabago sa direksyon ng mga institusyon ng bansa.

“Sa huli, ang mamamayang Pilipino pa rin ang huhusga kung sino talaga ang nagsilbi sa bayan,” pagtatapos niya.

Si Dr. Jose Antonio Goitia ay Chairman Emeritus ng Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at Filipinos Do Not Yield Movement (FDNY). May hawak siya ng Juris Doctor at Doctor of Philosophy (PhD), gayundin ng mga advanced degree na MNSA, MPA, at MBA. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here