MANILA, Philippines – May ilang senador umano ang nakatanggap ng babala na umuwi na bago ang insidente ng pamamaril sa Senado nitong Miyerkules ng gabi, ayon kay Senate President Alan Peter Cayetano.
Sa isang ambush interview, sinabi ni Cayetano na natanggap ang babala bandang 6:45 p.m. hanggang 7 p.m., halos isang oras bago marinig ang mga putok ng baril sa ikalawang palapag ng gusali ng Senado.
“Some senators got warning na umuwi na,” ani Cayetano sa mga mamamahayag.
“Nagtataka kami what that meant. Sabi ko, please don’t believe that. The last thing anyone wants is yung gulo,” dagdag niya.
Hindi pinangalanan ni Cayetano ang mga senador na umano’y nakatanggap ng naturang babala.
Ayon pa sa Senate President, nakatanggap din sila ng impormasyon na darating na sa Senado ang articles of impeachment laban kay Sara Duterte.
“Akala ni Senator Villanueva, paputok, fireworks, and I even went to the window. Pinagalitan ako ng sister ko ‘you don’t do that’… and then tumawag ang OSAA,” aniya.
Bandang alas-7 ng gabi nang marinig ang mga putok matapos umanong pasukin ng mga armadong lalaki ang ikalawang palapag ng Senado. Ayon sa mga mamamahayag sa lugar, hindi bababa sa 10 putok ang kanilang narinig.
Sinabi naman ni Cayetano na ligtas ang lahat at magkakaroon ng “no holds barred” na imbestigasyon kaugnay ng insidente. RNT