MANILA, Philippines – Isang umano’y confidential agent ng National Bureau of Investigation ang inaresto matapos ang insidente ng pamamaril sa Senado nitong Miyerkules ng gabi, ayon kay Imee Marcos.
Sinabi ni Marcos na nahuli ang sinasabing NBI operative matapos kunin ang isang tactical bag na naiwan sa hagdanan ng ikalawang palapag ng Senado, kung saan narinig ang mga putok ng baril.
Ayon kay Marcos, itinuro umano ng ahente ang kanyang superior na si “Atty. Bomediano” ng Organized and Transnational Crime Division ng NBI.
Sinabi rin umano ng ahente na ang kanyang boss ang nag-utos sa pag-aresto kay Ronald dela Rosa, na nahaharap sa arrest warrant mula sa International Criminal Court kaugnay ng umano’y papel nito sa war on illegal drugs ng pamahalaan.
Nanawagan si Marcos kay Bomediano na magpaliwanag hinggil sa tensyonadong sitwasyon sa Senado, na isinailalim sa lockdown bago sumiklab ang pamamaril sa ikalawang palapag ng gusali.
Wala pang opisyal na pahayag ang NBI, bagama’t nauna nang itinanggi ng ahensya na nagpadala ito ng mga ahente sa Senado. RNT