Home NATIONWIDE Fake news peddler sa gulo sa Senado, gagatong sa karahasan, binalaan ng...

Fake news peddler sa gulo sa Senado, gagatong sa karahasan, binalaan ng DICT

54
0

MANILA, Philippines – Nagbabala ang Department of Information and Communications Technology (DICT) nitong Huwebes laban sa mga nagpapakalat ng fake news online at sa mga umano’y nag-uudyok ng karahasan kaugnay ng kaguluhan sa Senado noong Miyerkules ng gabi.

Ayon kay DICT Secretary Henry Aguda, mahigpit na mino-monitor ng ahensya, katuwang ang Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC), ang social media at iba pang digital platforms para sa mga post na posibleng magpalala ng tensyon o mag-udyok ng karahasan.

“Alinsunod sa aming mandato, magsasagawa ngayon ng close monitoring ang DICT at CICC sa mga post o content na matatagpuang nanghihikayat na dagdagan pa ang gulo o maghasik ng karahasan,” ani Aguda.

Nagbabala rin siya na papanagutin ang sinumang mapatutunayang responsable sa pagpapakalat ng maling impormasyon o pag-uudyok ng karahasan online.

“Ang ganitong uri ng aktibidad sa ating cyberspace ay hindi kailanman kukunsintihin ng DICT at CICC. Dahil prayoridad natin ang kaligtasan at kapakanan ng ating mga kababayan, lalong-lalo na ang ating mga senador at mga empleyadong na nasa loob ng Senate building,” dagdag niya.

Umapela ang DICT sa publiko na maging responsable sa pagbabahagi ng impormasyon at umasa lamang sa beripikado at opisyal na mga source kaugnay ng insidente.

“Sa panahon ng tensyon at pangamba, walang puwang ang pagpapakalat ng mga fake news at mga hindi beripikadong impormasyon, mga edited videos at mga mapanlinlang na mga posts na mag-dadagdag ng kalituhan at takot sa publiko. Gaya ng sabi ng ating Pangulo, kalma lang po tayo,” pahayag ni Aguda.

“Hinihikayat ang lahat na magbahagi lamang ng mga impormasyon mula sa lehitimo at opisyal na sources at suriin bago mag-post, comment o mag-share,” dagdag pa niya. Dave Baluyot

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here