MANILA, Philippines – Magpapatupad ang Manila Electric Company o Meralco ng rotational brownouts sa ilang lugar sa Luzon mula 4 p.m. hanggang 10 p.m. nitong Huwebes matapos itaas sa red alert ang Luzon power grid.
Ayon sa Meralco, tatagal ng hanggang dalawang oras ang bawat brownout depende sa lugar at iskedyul. Kabilang sa maaapektuhan ang ilang bahagi ng Cavite, Metro Manila, Laguna, Bulacan, Quezon Province, at Rizal.
Sa Metro Manila, kabilang sa maaapektuhan ang ilang barangay sa Makati, Mandaluyong, Manila, Quezon City, Pasig, Caloocan, Las Piñas, Parañaque, Pasay, Marikina, Muntinlupa, San Juan, at Taguig.
May mga scheduled interruptions din sa Cavite kabilang ang Dasmariñas, Imus, Carmona, Silang, Amadeo, at Tagaytay; gayundin sa Laguna, Bulacan, Rizal, at Quezon Province.
Sinabi ng Meralco na nakipagtulungan na rin ang malalaking negosyo na kasali sa Interruptible Load Program (ILP) upang mabawasan ang konsumo ng kuryente ng humigit-kumulang 270 megawatts.
“To help manage the demand, our big-load customers enrolled under the Interruptible Load Program (ILP) have committed to de-load a collective capacity of around 270 MW,” ayon sa Meralco.
“We are closely monitoring the situation and are committed to doing our part in managing the system,” dagdag pa nito. RNT/MND