ILANG kasapi ng Sangguniang Bayan ang nagbigay ng katiyakan na maaaring magsampa ng nararapat na kaso sa Office of the Ombudsman laban kay Kalibo Mayor Juris Sucro sa sandaling lumabas ang resulta ng kanilang isinagawang imbestigasyon tungkol sa maanomalyang proyekto nito.
Hinihiling ng mamamayan ng Kalibo na magsagawa ng malalimang imbestigasyon upang malaman ang dahilan nang pagkaantalang matapos ang mahigit ₱300 milyong proyekto ng pampublikong pamilihan na magpahanggang ngayon ay nakatengga pa rin.
Hindi maipaliwanag ni Mayor Sucro kung bakit hindi pa rin matapos-tapos ang ginagawang palengke ng bayan sa kabila nang sapat na inilaang budget para rito.
Layunin ng masusing imbestigasyon na malaman kung bakit hindi napatawan ng kaukulang penalty ang contractor sa kabila ng ilang beses na pagkaantala ng proyekto. Kailangan ding matukoy kung saan nagkaroon ng pagkukulang — sa panig ba ng local government unit o ng contractor — upang malinaw na malaman ang tunay na dahilan ng delay.
Ayon sa mapagkatiwalaang source ang engineering department ng nasabing bayan ang nagkaproblema sa pinasa nila sa contractor. Kaya may mga inulit ang contractor na mga bahagi ng nasabing gusali.
Sinisikap ng Naloko Na na makapanayam ang Sangguniang Bayan chairperson ng committee ng imprastraktura, ang komite na may hawak ng nasabing proyekto ngunit wala pa ring naibibigay na paliwanag tungkol sa isyu.
Ayon kay ni Vice Mayor Philip Kimpo Yerro hindi niya maaaring pakialaman ang nasabing usapin dahil bilang presiding officer, ang mahalaga niyang tungkulin ay tiyaking maayos at nasusunod ang parliamentary procedure tuwing magkaroon ng sesyon ang konseho.
Ayon sa kanya ang mga SB Members ang gumawa ng mga mosyon kung may gagawing mga pagdinig, at paulit-ulit naman nila itong ginagawa. Marami na rin na naging panayam sa kanila sa media at social media kaugnay ng usaping ito.
Bagamat malabo pa sa sikat ng araw na makalipat ang mga dating nangungupahan sa nasabing palengke, umaasa sila na gagawin ni Mayor Sucro ang kanyang tungkulin ng maayos ang problema para maiwasang mabahiran ang magandang imahe ng bayan ng Kalibo.






