Home NATIONWIDE Kampo ni Duterte humiling ng panibagong fitness review sa ICC

Kampo ni Duterte humiling ng panibagong fitness review sa ICC

51
0

THE HAGUE, Netherlands – Humiling ang bagong abogado ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) ng panibagong pagsusuri sa kalagayan ng dating pangulo bago magsimula ang paglilitis laban sa kanya.

Sa inihain na dokumento, sinabi ng British barrister na si Peter Haynes na patuloy umanong lumalala ang kondisyon ni Duterte kaya dapat muling suriin kung kaya pa nitong humarap sa paglilitis.

Ayon kay Haynes: “The Defence position is that a commencement is contingent upon a determination by the Trial Chamber of Mr Duterte’s fitness to stand trial… the Defence will request that this issue is revisited by the Trial Chamber pursuant to Rule 135.”

Dagdag pa niya: “Whilst a determination of Mr Duterte’s competence was undertaken during the pre-trial phase on the basis of written reports, his condition continues to deteriorate and will need more fully to be reviewed before any trial may commence.”

Sinabi rin ng depensa na kung mapatunayang fit si Duterte para sa paglilitis, kakailanganin nila ng sapat na panahon upang ihanda ang kanilang kaso.

Nauna nang tinanggihan ng ICC ang apela ni Duterte laban sa desisyong nagsasabing mentally at physically fit siya para humarap sa pre-trial proceedings.

Sa desisyong inilabas noong Pebrero 13, ibinasura ng ICC Pre-Trial Chamber I ang argumento ng dating abogado ni Duterte na hindi umano isinasaalang-alang ng korte ang ebidensya tungkol sa “cognitive depreciation” at “memory impairment” ng dating pangulo.

Samantala, nais naman ng prosekusyon na magsimula ang paglilitis sa Nobyembre 30, 2026.

Ayon sa prosecution: “The Prosecution expects to complete all of the necessary pre trial steps by 30 September 2026. Consequently, the Prosecution proposes that the trial be set to commence on Monday, 30 November 2026.”

Nahaharap si Duterte sa kasong crimes against humanity kaugnay ng madugong war on drugs noong siya ay alkalde ng Davao City at kalaunan bilang pangulo ng bansa.

Sinabi ng ICC na may “substantial grounds” upang paniwalaang responsable si Duterte sa crimes against humanity ng murder at attempted murder mula Nobyembre 1, 2011 hanggang Marso 16, 2019.

Si Duterte, na 81 taong gulang, ang kauna-unahang dating pinuno ng estado mula Asya na haharap sa paglilitis sa ICC. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here