Home LIFESTYLE HEALTH DOH naka-alerto sa deklarasyon ng WHO sa Ebola outbreak sa ilang bahagi...

DOH naka-alerto sa deklarasyon ng WHO sa Ebola outbreak sa ilang bahagi ng Africa

141
0

MANILA, Philippines – Aktibong nakikipag-ugnayan ang Department of Health (DOH) sa World Health Organization (WHO) kasunod ng deklarasyon ng Public Health Emergency of International Concern (PHEIC) kaugnay ng Bundibugyo strain ng Ebola virus sa ilang bahagi ng Africa.

Sa isang pahayag, tiniyak ng DOH sa publiko na nananatiling walang kaso ng Bundibugyo virus ang Pilipinas at nakaalerto ang mga awtoridad sa kalusugan kasabay ng mga pagsubaybay sa buong mundo.

Binanggit ng DOH na bagamat sa Kanluran at Gitnang Africa kadalasang nangyayari ang mga outbreak ng Ebola, ang mga naitalang insidenteng may kaugnayan sa Ebola sa Pilipinas noong 1989, 1996, at 2008 ay kinasasangkutan ng Reston virus strain, na hindi nagdudulot ng sakit sa tao.

Ginunita rin ng kagawaran ang 2014 West Africa Ebola epidemic, na itinuturing na pinakamalaki sa kasaysayan, na umabot sa halos 29,000 kaso at may fatality rate na nasa 40 porsyento, na iniuugnay sa Zaire strain ng virus.

Sa panahong iyon, sumailalim sa 21 araw na quarantine sa ilalim ng DOH Bureau of Quarantine ang mga Pilipinong peacekeeper ng United Nations na galing sa Liberia.

Idineklara ng WHO ang Bundibugyo outbreak bilang PHEIC, bagamat nilinaw ni WHO Director-General Tedros Adhanom Ghebreyesus na hindi pa ito pasok sa pamantayan para sa “pandemic emergency” sa ilalim ng International Health Regulations.

Nagbabala si Tedros na ang pagtugon sa outbreak ay nagiging mas mahirap dahil sa “patuloy na kawalan ng seguridad, krisis makatao, mataas na galaw ng populasyon, ang urban o semi-urban na kalagayan ng kasalukuyang hotspot, at ang malawak na network ng mga impormal na pasilidad pangkalusugan.”

Binigyang-diin din niya ang pangangailangan ng “pandaigdigang koordinasyon at kooperasyon upang maunawaan ang saklaw ng outbreak, upang iayon ang surveillance, pag-iwas at pagtugon, upang palakasin at paigtingin ang mga operasyon, at matiyak ang kakayahang ipatupad ang mga hakbang sa pagkontrol.”

Ayon kay DOH spokesperson Usec. Albert Domingo, ang gabay ng WHO para sa mga bansang tulad ng Pilipinas na walang naitalang kaso ng Bundibugyo at walang karatig na bansa na apektado ay nakatuon sa pagtiyak na nakatatanggap ang publiko ng tama at mapagkakatiwalaang impormasyon tungkol sa outbreak at mga hakbang sa pag-iwas.

Aniya laging handa at nakaalerto ang DOH. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here