MANILA, Philippines – Ilalagay muli sa yellow alert status ang Visayas grid ngayong Lunes, Mayo 18, dahil sa inaasahang mataas na demand sa kuryente sa kabila ng kawalan ng ilang coal power plants, ayon sa National Grid Corp. of the Philippines (NGCP).
Batay sa abiso ng NGCP, magiging epektibo ang yellow alert mula 4 p.m. hanggang 8 p.m. sa Visayas.
Sa ilalim ng yellow alert, sapat pa ang supply ng kuryente para matugunan ang demand, ngunit nagsisilbi itong babala na maaaring magkaroon ng brownout kung may biglang aberya o pagkaputol ng operasyon ng mga planta.
Ayon sa NGCP, humigit-kumulang 852.9 megawatts (MW) ng kapasidad ang kasalukuyang hindi available dahil sa forced outage o derated operation ng ilang power plants.
Sa ngayon, nasa 2,676 MW ang available capacity habang inaasahang aabot sa 2,513 MW ang peak demand. RNT/MND