Home NATIONWIDE Power planning ng DOE, kinuwestiyon ng mga mambabatas

Power planning ng DOE, kinuwestiyon ng mga mambabatas

1
0

MANILA, Philippines – Kinuwestiyon ng mga mambabatas ang Department of Energy (DOE) sa pagdinig sa Kamara kung bakit kulang ang suplay ng kuryente, matapos sabihin ni Energy Secretary Sharon Garin na nag-ambag ang 2019 coal moratorium ng ahensiya sa kawalan ng bagong baseload power plant.

Baseload ang tawag sa mga planta na tuloy-tuloy ang gawa ng kuryente. Kapag kulang ito, napipilitang gamitin ang ancillary services, na dapat ay reserba lang ng grid, para punan ang kakulangan. Dahil dito, tumataas ang gastos at presyo, lalo na sa Visayas.

Tinanong ni ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio si Garin kung ano ang ginawa ng DOE para magkaroon ng kapalit na kapasidad matapos ipataw ang moratorium.

“Obviously, this is a failure in planning. Sabi ninyo kanina, three years ang kailangan. Dapat na-project ito noon pa, pero hindi nagawa. Kulang ang baseload kaya ito tayo ngayon,” ani Tinio.

“So ano ang ginawa ninyo? Walang coal? Dapat may kapalit? Pero dahil may moratorium kayo kaya wala, so bahala na si Batman?” dagdag niya.

Sinabi ni Garin na pinag-iisipan na ng DOE kung dapat pa bang gamitin ang Reserve Market, ang bentahan ng reserbang kuryente na hindi kontrolado ang presyo, para sa pangangailangan sa ancillary services.

“Rethinking? Eh 2024 pa ‘yan, di ba?” tugon ni Tinio.

Ayon kay Rep. Ferdinand Hernandez, suplay ang problema at hindi transmission. Patunay umano nito na walang grid alert nang bumalik ang mga power plant.

“Kaya walang grid alerts kasi nakabalik na ang mga power plants, meaning may supply. Malinaw na hindi transmission ang issue. May demand ka, may supply,” ani Hernandez.

“Hindi naman ancillary services ang problema, ang problema pa rin natin ay supply. Kung may supply, wala tayong problema. So dapat doon tayo mag-focus,” dagdag niya.

Ipinaliwanag naman ni Rep. Sergio Dagooc na lumilipat ang mga generator sa Reserve Market dahil mas mataas ang bayad doon kaysa sa kontrata nila sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).

“Bumibitaw din ang supplier ng ancillary services sa NGCP kasi may DOE circular na bumuo ng Reserve Market. Kapag ganito na may supply-demand issue ang nangyayari, binibitawan ng mga generators ang negotiated contract nila sa NGCP, tapos lilipat sila sa Reserve Market na deregulated ang presyo kaya mas mahal,” ani Dagooc.

Sinabi ni NGCP spokesperson Atty. Cynthia Alabanza na kaya ng NGCP ang trabaho nito, pero limitado ito ng regulasyon at ng umiiral na batas.

“We are limited by regulation and existing legislation. We are ready to respond to change in legislation,” ani Alabanza.

“We have to work within a specific framework. It limits our capability to contract and dispatch. We are at the mercy of generators on when they want to supply and when,” dagdag niya.

Giit naman ni Rep. Albee Benitez, hindi na reserba ang ancillary services dahil ginagamit na itong pang-suplay.

“Ang ancillary services hindi na nagiging reserve kasi ginagamit na na power supply,” ani Benitez.

Dahil mas mataas ang bayad sa Reserve Market, wala rin umanong makokontra ang NGCP kung bakit hindi ito papasukin ng mga generator.

“Wala rin makokontra ang NGCP kasi bakit sila makikipagkontrata kung puwede nila ibenta nang mas mataas sa Reserve Market,” aniya.

Nanawagan din si Benitez sa DOE na kumilos para mapababa ang presyo ng kuryente.

“Perhaps DOE can do something to mitigate high prices of electricity because right now the pricing is dictated by the situation,” pagtatapos pa ni Benitez. Gail Mendoza

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here