MANILA, Philippines – Hindi na alam ni Atty. Jimmy Bondoc, legal counsel ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa, kung nasaan na ang senador kasunod ng pag-alis nito sa Senado na naunang humingi ng protective custody.
Si Bondoc ay dumating sa Senado para makipagkita sa staff at legal team ni Dela Rosa para pag-usapan ang tugon sa komentong inihain ng Office of the Solicitor General (OSG), na humihiling sa Korte Suprema na ibasura ang plea ng senador sa posibleng pag-aresto rito dahil sa arrest warrant na inisyu ng International Criminal Court (ICC).
“Hindi ko alam. Wala kaming knowledge sa whereabouts,” ani Bondoc.
“Walang idea. Walang communication, we’re in touch with their staff. As you remember, mayroon kaming 72 hours to reply to the comment of the OSG,” dagdag pa niya.
“We’re meeting with the staff and other lawyers.”
Matatandaan na nitong weekend ay hiniling ng OSG sa SC na tanggihan ang Urgent Manifestation with Omnibus Motion at Extremely Urgent Supplemental Manifestation with Motion ni Dela Rosa sa kakulangan ng merito.
Sa komento, iginiit ng OSG na si Dela Rosa “is not entitled to an injunctive writ to enjoin his arrest and surrender to the ICC,” at sinabing bigo nitong mailatag ang malinaw na legal na karapatan na nag-oobliga sa agarang proteksyon o pagpapakita ng agarang pangangailangan para sa injunctive relief.
Iginiit din ng OSG na ang subpoena na inisyu ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), ay valid sa ilalim ng Republic Act No. 10973, at sinabing ang parliamentary immunity “was never meant to be a shield against public accountability.”
Kamakailan ay naghain ng mga petisyon si Dela Rosa sa SC na humihiling para sa judicial relief.
Hindi naman nag-isyu ng TRO ang SC at sa halip ay inatasan ang mga opisyal ng pamahalaan na magkomento patungkol dito. Nagpasa ang OSG ng komento nito noong Biyernes. RNT/JGC