Home HOME BANNER STORY Huling araw ng voters registration, dinagsa ng libong Pinoys

Huling araw ng voters registration, dinagsa ng libong Pinoys

41
0

MANILA, Philippines – Daan-daan at libu-libong Pilipino ang dumagsa sa mga tanggapan ng Commission on Elections (Comelec) at mga satellite registration site nitong Lunes, huling araw ng nationwide voter registration para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) na gaganapin sa Nobyembre.

Ayon kay Comelec spokesperson John Rex Laudiangco, parehong mga first-time registrant na edad 15 hanggang 17 para sa Sangguniang Kabataan at mga 18 taong gulang pataas para sa regular na botante ang pumila nang maaga sa iba’t ibang registration center, kabilang ang mga mall at lokal na opisina ng Comelec.

Aniya, inatasan ang mga election officer sa matataong lugar na ipatupad ang “Last Day Scenario” sa ilalim ng Comelec Resolution No. 11177 upang ma-manage ang biglaang pagdami ng aplikante, kung saan maaari silang magtakda ng limitasyon sa bilang ng tatanggapin.

“Our Election Officers in crowded areas are now required to implement the ‘Last Day Scenario’ provision, where they determine the maximum number of applicants they can process and accommodate,” ani Laudiangco.

Dagdag pa niya, sa oras na umabot ng 3 p.m. cutoff, ang mga natitirang aplikante sa loob ng 30-meter radius ay inililista upang maproseso sa susunod na pagkakataon.

Sa ilang lugar, partikular sa Metro Manila, mas maagang cutoff ang ipinatupad matapos maabot ang full capacity.

“It is true that almost all of our offices in the NCR reached their maximum capacity this morning, exceeding the 1,000 expected applicants. That is why some offices had to cut off around noon because they could no longer accommodate additional applicants,” aniya.

Humingi rin ng pang-unawa si Laudiangco sa publiko dahil sa sobrang dami ng aplikante, ngunit tiniyak na mapoproseso pa rin ang mga naisama sa listahan bago ang cutoff.

“Applicants who were listed for accommodation today can be assured that all Comelec personnel will process their applications, no matter how long it takes. This is part of our duty,” dagdag niya.

Ang voter registration ay mula Oktubre 20, 2025 hanggang Mayo 18, 2026.

Batay sa datos ng Comelec noong Mayo 16, umabot sa humigit-kumulang 5.2 milyon ang mga aplikasyong na-proseso sa loob ng pitong buwan, na itinuturing na pinakamataas sa kasaysayan ng poll body, na may kabuuang 5,142,336 applications.

Pinakamarami ang naitala sa Calabarzon na may 838,520 applications, sinundan ng Central Luzon na may 574,223 at National Capital Region na may 562,879, habang pinakamababa ang Cordillera Administrative Region na may 70,390.

Patuloy ding pinoproseso ng Comelec ang aplikasyon para sa reactivation at transfer of records, at inaasahang magkakaroon muli ng voter registration period sa 2027 para sa May 2028 elections alinsunod sa Republic Act 8189. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here