Home NATIONWIDE Atake ng US sa Iran, ipinatigil muna para sa peace negotiations

Atake ng US sa Iran, ipinatigil muna para sa peace negotiations

63
0

WASHINGTON – Pansamantalang ipinatigil ni US President Donald Trump ang mga planong pag-atake laban sa Iran upang bigyang-daan ang negosasyon para matuldukan ang nagpapatuloy na sigalot ng US, Israel, at Tehran.

Sa inilabas na pahayag nitong Lunes, sinabi ni Trump na inutusan niya ang militar ng Amerika na huwag ituloy ang nakatakdang opensiba ngunit manatiling maging handa para sa isang “full, large scale assault” sakaling mabigo ang usapang pangkapayapaan.

“We will NOT be doing the scheduled attack of Iran tomorrow, but have further instructed them to be prepared to go forward with a full, large scale assault of Iran, on a moment’s notice, in the event that an acceptable Deal is not reached,” ayon kay Trump.

Dumating ang pahayag matapos umanong magpadala ang Iran ng panibagong peace proposal sa Washington sa pamamagitan ng Pakistan, ayon sa mga Iranian at Pakistani sources.

Kinumpirma rin ni Iranian Foreign Ministry spokesperson Esmaeil Baghaei na naiparating na sa Estados Unidos ang posisyon ng Tehran ngunit hindi nagbigay ng karagdagang detalye.

Ayon kay Trump, hiniling ng mga lider ng Qatar, Saudi Arabia, at United Arab Emirates na ipagpaliban muna ang pag-atake dahil naniniwala silang posible pa ring magkaroon ng kasunduang katanggap-tanggap sa lahat ng panig.

Gayunman, nanatiling matigas ang pahayag ng Iran matapos ang anunsyo ni Trump. Nagbabala ang militar ng Iran laban sa anumang panibagong agresyon mula sa US at mga kaalyado nito at sinabing handa silang gumanti nang “quickly, decisively, powerfully, and extensively.”

Ayon sa isang senior Iranian source, nakatuon ang bagong panukala sa pagpapatigil ng labanan, muling pagbubukas ng Strait of Hormuz, at pagluwag ng maritime sanctions, habang isasailalim pa sa susunod na pag-uusap ang mga sensitibong usapin hinggil sa nuclear program ng Iran.

Sinabi rin ng source na nagpakita umano ng flexibility ang Washington sa pagpayag na palayain ang bahagi ng frozen funds ng Iran at pahintulutan ang limitadong peaceful nuclear activities sa ilalim ng international supervision, bagamat hindi ito kinumpirma ng US officials.

Nananatili ang marupok na ceasefire matapos ang anim na linggong bakbakan na nagsimula kasunod ng US-Israeli airstrikes sa Iran. Gayunman, nagpapatuloy pa rin ang tensyon matapos ang iniulat na drone launches mula Iraq patungo sa ilang Gulf countries kabilang ang Saudi Arabia at Kuwait. Dave Baluyot

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here