MANILA, Philippines – Ipinatawag ng Land Transportation Office (LTO) ang driver at operator ng isang public utility bus (PUB) matapos bumangga sa mga konkretong harang sa EDSA Busway sa Quezon City, kasunod ng mga alegasyong gumagamit ng cellphone ang driver habang nagmamaneho.
Sa pahayag ng LTO, nagpalabas ito ng show cause order (SCO) na nag-uutos sa dalawang respondent na humarap sa LTO Intelligence and Investigation Division (IID) sa Mayo 21, alas-3 ng hapon. Inaatasan din silang magsumite ng verified explanation kung bakit hindi sila dapat sampahan ng administrative charges na kinabibilangan ng employing a reckless driver, reckless driving, at being an improper person to operate a motor vehicle.
Batay sa spot report ng insidente nitong Linggo ng hapon, bumangga ang bus sa mga roadside barrier sa southbound lane ng EDSA Busway malapit sa Kamuning area. Isang pasahero ang nasugatan habang nasira ang ilang plastic at konkretong harang. Ayon sa ilang pasahero, tila gumagamit o tumutugon sa mensahe sa cellphone ang driver habang nagmamaneho.
Ayon kay LTO chief at Transportation Assistant Secretary Markus Lacanilao, hindi palalampasin ng ahensya ang anumang uri ng reckless driving na naglalagay sa panganib sa mga pasahero at motorista.
“Hindi biro ang responsibilidad ng isang professional driver dahil buhay ng mga pasahero ang nakasalalay dito. Ang simpleng paggamit ng cellphone habang nagmamaneho ay maaaring humantong sa aksidente at kapahamakan. Kaya malinaw ang aming mensahe: walang puwang sa lansangan ang mga iresponsableng drayber,” ani Lacanilao.
Binigyang-diin din ng LTO na kapag hindi dumalo ang mga respondent sa itinakdang pagdinig, ituturing itong pagtalikod sa kanilang karapatang magpaliwanag, at ibabatay na lamang ang resolusyon ng kaso sa mga ebidensyang hawak ng ahensya.
Samantala, isinailalim sa alarm status ang bus habang ang lisensya ng driver ay pansamantalang sinuspinde sa loob ng 90 araw. Santi Celario