MANILA, Philippines – Umabot sa kritikal na antas ang tubig sa hindi bababa sa anim na dam sa Western Visayas nitong Martes, Mayo 19, 2026, dahil sa matinding init ng panahon, ayon sa mga awtoridad.
Kabilang sa mga apektadong dam ang Barotac Viejo RIS Dam, Sibalom Diversion Dam, Tipuluan Dam, Solong Dam, Panakuyan RIS, at Mambusao RIS Dam.
Ayon sa National Irrigation Administration (NIA)-6, ang tubig mula sa mga dam ay karaniwang dinidivert sa mga sakahan, ngunit dahil sa mababang antas ng tubig sa mga ilog, hindi na ito dumadaloy sa mga irrigation canal kaya’t nagpapatupad na sila ng mga hakbang upang maibsan ang epekto sa mga magsasaka.
Isa sa mga hakbang ang scheduled irrigation upang makatipid sa limitadong suplay ng tubig.
Nagpahayag ng pangamba ang mga magsasaka sa patuloy na pag-init ng panahon, lalo na’t inaasahang magsisimula ang El Niño sa Hunyo. Sa Santa Barbara, Iloilo, sinabi ng mga magsasaka na maaaring hindi sapat ang ulan na bumagsak kamakailan upang matugunan ang pangangailangan sa irigasyon.
Ayon kay Raffy Hilario, Public Information Officer ng NIA-6, malaking tulong ang ulan sa suplay ng tubig sa irigasyon. “Ang ulan, actually, malaking tulong. Kung may ulan, which means makapagbigay o makadagdag ng supply ng tubig para sa ating mga taniman,” aniya.
Gayunman, sinabi ni Rose Suarez na mananatiling kulang ang suplay: “Kulang pa rin kasi baka sa hapon, ititigil naman ito (ang irigasyon).”
Dagdag pa ng mga awtoridad, nakatulong din ang augmentation mula sa Jalaur River Irrigation System sa Moroboro, Dingle sa ilalim ng Jalaur Multipurpose Project II upang madagdagan ang suplay ng tubig sa ilang bahagi ng Iloilo Province.