MANILA, Philippines – Nasawi ang 74-anyos na lolo matapos mabangga ng sasakyan habang nakapila sa Kadiwa center sa Quezon City para bumili ng P20/kg na bigas.
Sa panayam, sinabi ni DA Assistant Secretary Genevieve Guevarra na ang insidente ay nangyari alas-3 ng madaling araw habang nakapila ang biktima para sa subsidized food program ng pamahalaan.
“Yun nga po, nakakalungkot pong balita. Ito nga po yung sinasabi namin na gusto sana naming iwasan.”
Aniya, maaga pa lamang ay pumipila na ang mga tao sa labas ng Kadiwa sites sa kabila na ang pagsisimula ng selling operations ay alas-6 ng umaga.
Ani Guevarra, nagbibigay naman ng upuan ang ahensya sa mga nakapila at pinapayagan ang mga ito na pumasok sa oras ng pagsisimula ng operasyon, ngunit aminado na may mga dapat pang ayusin lalo sa pagsisiguro ng kaligtasan ng mga pumipila.
“Kailangan siguro mas paigtingin pa natin ang security,” sinabi ni Guevarra.
Hinimok niya ang publiko na iwasan ang pagdating ng sobrang aga sa Kadiwa sites upang maiwasan ang mga kaparehong insidente.
“’Wag na po sana tayong pumunta doon ng ganong mga klaseng oras, baka may mangyari pong ganoon,” sinabi ng opisyal.
Samantala, siniguro ng DA official sa publiko na may sapat na suplay ng mga produkto sa Kadiwa centers at kahit ang mga dumadating nang huli na ay nakakabili pa rin.
“Marami po stocks na bigas, kahit walk-in po nakakabili naman po lahat ng pumipila doon. Iwasan na lang po na sobrang aga pumipila,” dagdag niya. RNT/JGC