MANILA, Philippines – Isinailalim sa yellow alert ngayong Miyerkules, Mayo 20, mula alas-5 ng hapon hanggang alas-7 ng gabi ang Visayas grid dahil sa unavailability ng tatlong major coal-fired power plant units.
Ayon sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), ang available capacity ay nasa 2,691 megawatts (MW), habang ang peak demand ay inaasahan sa 2,438 MW.
Inilalabas ang yellow alert kapag ang operating margin ay mas mababa sa lebel na kailangan para maabot ang contingency requirements ng grid.
Ang alert na ito ay dahil sa pwersahang outages ng Units 1 at 2 ng Therma Visayas Inc. (TVI) at Unit 3 ng Panay Energy Development Corp. (PEDC).
Napuruhan nito ang grid na nag-ooperate na sa reduced capacity dahil sa forced shutdown ng 11 power plants ngayong buwan, isang planta mula Marso 2026, at tatlong planta mula 2025, dalawang planta mula 2024, dalawang planta mula 2023, at isang planta mula 2021.
Dagdag pa, sinabi ng NGCP na ang 13 power plants ay nag-ooperate sa derated capacities, dahilan para sa kabuuang 852.1 MW na unavailable sa grid. RNT/JGC