Humiling ng imbestigasyon sa National Bureau of Investigation ang isang civic organization laban sa Dermalog, ang information technology service provider ng Land Transportation Office, kaugnay ng umano’y mga isyu sa seguridad sa sistema ng pag-imprenta ng driver’s license ng mga Pilipino.
Sa liham na may petsang Mayo 19, 2026 na ipinadala kay NBI Director Melvin Matibag, hiniling ng grupong Flag Maharlika na busisiin ang umano’y posibilidad ng exposure ng mahahalagang rekord ng mga aplikante ng driver’s license sa ibang bansa.
Ayon sa grupo, binanggit sa Ombudsman Resolution OMB-C-C-22-0061 na inilabas noong Nobyembre 16, 2022 ang isang ulat ng LTO Management Information Division na may petsang Oktubre 27, 2020. Nakasaad umano sa ulat na may access at kontrol ang Dermalog sa ilang bahagi ng 5-year driver’s license inventory at printing application modules ng ahensya.
Sinabi rin ng Flag Maharlika na lumabas umano sa mga naunang pagtalakay at imbestigasyon ang posibilidad ng security concerns dahil sa kakayahan umano ng service provider na magsagawa ng license printing functions na hindi direktang natutunton ng LTO.
Nabanggit din sa reklamo na sa ilang pagkakataon ng paglilipat ng inventory mula sa isang LTO district office patungo sa iba, kinakailangan umano ng koordinasyon sa empleyado ng Dermalog na nasa Malaysia upang maisagawa ang proseso.
Dahil dito, sinabi ng grupo na nagkaroon umano noon ng rekomendasyon mula sa LTO Technical Working Group na i-blacklist ang Dermalog at huwag nang payagang makalahok sa mga susunod na government bidding. Gayunman, wala pang inilalabas na pinal na desisyon hinggil dito ang mga kinauukulang ahensya.
Iniuugnay din ng Flag Maharlika ang usapin sa posibleng paglabag sa Section 3(e) ng RA 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act, RA 9184 o Government Procurement Reform Act, at RA 10175 o Cybercrime Prevention Act, partikular sa usapin ng illegal access, data interference, at system interference.
Sa ngayon, wala pang opisyal na pahayag ang Dermalog kaugnay ng mga alegasyon.
Umaasa naman ang Flag Maharlika na sa tulong ng NBI, Department of Information and Communications Technology, at National Security Council ay masisiguro ang seguridad ng sistema ng driver’s license at mapoprotektahan ang personal na datos ng mga motorista. (Santi Celario)