Home NATIONWIDE ‘Doktor Para sa Bayan’ scholars, umarangkada na; P186M inilaan sa 2026 GAA

‘Doktor Para sa Bayan’ scholars, umarangkada na; P186M inilaan sa 2026 GAA

58
0

MANILA, Philippines – Tuluyan nang papakinabangan ng mag-aaral na mahihirap ngunit matatalino ang Doktor Para sa Bayan program ng pamahalaan sa state universities and colleges (SUCs) at Local University and Colleges (LUCs) matapos makapag-laan ng P186 milyon sa scholarship program.

Ayon kay Senate Minority Leader Vicente C. Sotto III, pangunahing awtor ng programa na nakatanggap ng P186 milyon na pondo sa ilalim ng 2026 General Appropriations Act (GAA) upang masuportahan ang mga nagnanais maging doktor na nag-aaral sa mga state-run medical schools sa buong bansa.

Malugod na tinanggap ni Sotto ang patuloy na suporta sa pagpopondo ng programa at binigyang-diin ang kahalagahan ng pagtulong sa mga karapat-dapat na medical students na makapagtapos ng kanilang pag-aaral sa kabila ng kakulangan sa pinansyal na kakayahan.

“Positibo ko itong tinatanggap at lubos kong sinusuportahan dahil maraming medical students ang nais makatapos ng kanilang pag-aaral ngunit kapos sa kakayahang pinansyal,” ani Sotto.

Sa kasalukuyan, may hindi bababa sa 25 state universities and colleges (SUCs) sa bansa na nag-aalok ng Doctor of Medicine programs.

Ayon kay Sotto, ang nadagdag na alokasyon sa ilalim ng 2026 national budget ay magbibigay prayoridad sa mga estudyanteng malapit nang makatapos ng kanilang kursong medisina.

“Dinagdagan ngayong taon ang budget para sa medical students sa ilalim ng 2026 General Appropriations Law, na may prayoridad para sa mga halos tapos na sa kanilang pag-aaral,” dagdag pa niya.

Nauna nang inihayag ng senador ang layuning makapaglaan ng humigit-kumulang 40 medical scholars bawat SUC sa ilalim ng implementasyon ng programa.

Sa pamamagitan ng dagdag na pondo, inaasahang makalilikha ang programa ng 648 bagong scholars sa buong bansa.

Binigyang-diin din ni Sotto ang agarang pangangailangan na palakasin ang healthcare workforce ng bansa, lalo na sa mga underserved at malalayong lalawigan.

“Kailangang-kailangan talaga ito dahil sa kakulangan ng mga doktor, nars, at medical practitioners sa bansa, lalung-lalo na sa mga malalayo o karatig-probinsya,” pagtatapos ni Sotto. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here