MANILA, Philippines – Nakiusap si Batangas 1st district Rep. Leandro Legarda Leviste kay Deputy Speaker at Iloilo 1st district Rep. Janette Garin na huwag patalsikin sa Kamara si Cavite 4th district Rep. Francisco “Kiko” Barzaga.
Matapos ang pitong oras na plenary session noong Miyerkules, nag-post si Leviste sa Facebook ng larawan nila nina Barzaga at Garin na pawang nakangiti. Makikita rin si Barzaga sa kanyang kilalang “meow meow” pose.
“Ang ganda ng ngiti dito ni Dr. Janette Loreto-Garin. Huwag na niya sanang patalsikin si Congressman Kiko Barzaga. ???? Baka ma-miss niya rin siya sa plenaryo,” ayon kay Leviste.
Noong Abril 28, sinabi ni Garin—na siyang complainant sa pinakahuling kaso ni Barzaga sa Committee on Ethics and Privileges—na may desisyon na ang panel at malamang na expulsion ang rekomendasyon.
Nauna nang nagsilbi si Barzaga ng dalawang magkahiwalay na 60-day suspension dahil sa disorderly behavior. Ayon kay Garin, ang paulit-ulit na paglabag sa Kamara ay kadalasang humahantong sa expulsion.
Inaasahan nang iharap ng ethics panel, sa pangunguna ni 4Ps Party-list Rep. JC Abalos, ang kanilang findings sa plenaryo mula pa noong Mayo 4, ngunit hindi pa ito nangyayari.
Sa kabila nito, napansin umanong maayos ang asal ni Barzaga nitong mga nakaraang buwan.
Masaya rin umano ang mga kongresista noong Miyerkules matapos maaprubahan sa ikalawang pagbasa ang mga mahahalagang panukalang batas tulad ng proposed Anti-Political Dynasty Law at KALINGA Act.
Samantala, nagtagumpay din si Leviste sa isa niyang amendment sa KALINGA Act matapos itong suportahan ng majority bloc.
“P25B ang matitipid sa pag-apruba ngayong araw ng aking panukalang 20% cut sa travel, seminars, at iba pang “hindi kinakailangang gastos” ng gobyerno. Pero kung tinanggap ang una kong panukalang 50% cut, halos P62.5B sana ang matipid,” ayon kay Leviste.
Natapos ang plenary session bandang alas-10 ng gabi noong Miyerkules. RNT/MND