Home TOP STORIES Magnitude 7.7 lindol, tumama sa Panama

Magnitude 7.7 lindol, tumama sa Panama

4
0

PANAMA – Tumama ang magnitude 7.7 na lindol sa katimugang bahagi ng Panama noong Biyernes, na nagdulot ng pinsala sa mga bahay, pagkawala ng kuryente, suspensyon ng mga biyahe sa eroplano at paglikas ng mga residente. Mahigit isang dosenang aftershock ang naitala kasunod ng lindol.

Ayon sa United States Geological Survey (USGS), naganap ang lindol sa lalim na 12.6 kilometro at posibleng may mga nasawi o nasugatan.

Ayon sa electricity provider na Naturgy, nawalan ng kuryente ang anim na lalawigan. Sinuspinde rin ang mga flight sa Tocumen International Airport, habang itinigil ang operasyon ng Metro sa Panama City. Maagang pinauwi ang mga empleyado at sinuspinde ang mga klase sa buong bansa.

Ayon kay Nestor Luque, direktor ng geosciences institute ng Panama, dulot ang lindol ng Azuero Sona Fault System, kung saan matagal nang naiipon ang pressure.

“It’s a system of active faults that occasionally, due to the accumulation of stress, release this amount of energy,” aniya.

“The seismic signals have traveled throughout the national territory and that is why it could be felt everywhere.”

Sa Panama City, umabot sa 40 segundo ang pagyanig ayon kay Luque. Inilarawan naman ni Sabina Rios ang lindol bilang isa sa pinakamalakas at pinakamatagal niyang naramdaman sa loob ng maraming taon.

Nasa 126 milya o 203 kilometro ang Panama Canal mula sa sentro ng lindol at nanatiling normal ang operasyon nito. Ayon sa monitoring data ng LSEG Workspace, nasa 90 barko ang naghihintay sa magkabilang dulo ng kanal upang makadaan o dumaong.

Ayon sa USGS, maaaring umabot sa 1% hanggang 10% ng gross domestic product ng Panama ang posibleng pagkalugi sa ekonomiya. Samantala, sinabi ng US Tsunami Warning System na lumipas na ang banta ng tsunami at wala nang inaasahang karagdagang panganib nito.

Nakatakdang magsagawa ang Panama ng pambansang evacuation drill sa susunod na Lunes upang subukan ang kahandaan ng bansa sa pagharap sa lindol. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here