MANILA, Philippines – Dapat pa ring magpatuloy ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte kahit pa magdesisyon itong magbitiw sa pwesto, ayon ito sa mga law experts.
Paliwanag ng mga eksperto sa batas, hindi lang tinitignan sa impeachment trial ang kapasidad ng isang pinuno na manatili sa pwesto kundi kung sa hinaharap ay pwede pang pagkatiwalaan ng taumbayan ang isang politiko.
Sa Kapihan sa Manila Prince Hotel, binigyang diin nina Atty. Soledad Deriquito Mawis, Atty Paolo Tamase At Atty. Adonis Gabriel ang kahalagahan na magpatuloy paglilitis.
Inihalimbawa naman ni Atty. Tamase ang impeachment trial noon laban kay us president Donald Trump noong 2021 na itinuloy kahit nagtapos na ang termino nito bago pa magsimula ang senado sa paglilitis.
Sumang-ayon din si Atty. Mawis, na kailangan itong ituloy para malaman kung karapat-dapat pa rin ang Bise Presidente sa paghawak ng anumang posisyon sa gobyerno sa hinaharap. Jocelyn Tabangcura-Domenden