TEHRAn, Iran – Isang South Korean tanker ang matagumpay na nakatawid sa Strait of Hormuz sa tulong ng koordinasyon sa Iran, ayon sa South Korea nitong Miyerkules.
Ito ang unang kilalang pagdaan ng barko ng South Korea mula nang sumiklab ang digmaan sa pagitan ng US at Iran noong huling bahagi ng Pebrero.
Inihayag ni Foreign Minister Cho Hyun sa isang parliamentary session na, “At this very moment, a South Korean tanker is exiting the Strait of Hormuz under coordination with the Iranian side.”
Ayon pa kay Cho, natapos na ang konsultasyon sa Iranian authorities at maingat na naglayag ang barko habang dumadaan sa mapanganib na ruta. Binanggit din niya ang “2 million barrels,” na tumutukoy umano sa laman na crude oil ng tanker.
Kinumpirma ng South Korea’s Foreign Ministry na ligtas nang nakatawid ang barko at nagpapatuloy na ito sa paglalayag. May humigit-kumulang 10 South Korean crew members sakay nito.
Ayon sa isang opisyal ng Foreign Ministry, isinagawa ang pagdaan ng barko “in coordination with relevant countries, including Iran, to ensure the vessel’s safety.”
Iniulat na isa ito sa 26 South Korean vessels na nasa loob o malapit sa Strait of Hormuz. Umalis ito mula sa karagatan malapit sa Qatar at gumamit ng rutang aprubado ng Tehran.
Mahigit 88 araw nang apektado ang commercial shipping sa Strait of Hormuz dahil sa tensyon at alalahanin sa seguridad sa Middle East conflict.
Sinabi ng South Korean government na patuloy silang nakikipag-ugnayan sa Iran upang matiyak ang ligtas at malayang pagdaan ng kanilang mga barko. Kabilang dito ang apat na tawag sa telepono ng foreign ministers ng dalawang bansa, pagpapadala ng special envoy, at iba pang diplomatic consultations.
Ayon sa Bloomberg at MarineTraffic, ang barkong nakatawid ay ang Universal Winner, isang very large crude carrier na pinapatakbo ng South Korean shipping company na HMM at may dalang Kuwaiti crude oil patungong Ulsan.
Nilinaw naman ng Foreign Ministry na walang binayarang transit fee o security charge sa Iran kapalit ng ligtas na pagdaan ng barko.
“A coordinated movement was carried out with relevant countries, including Iran, to ensure the vessel’s safety,” ayon sa opisyal. “There were no costs involved.”
Patuloy pa rin ang negosasyon ng South Korea para sa ligtas na pagdaan ng natitirang 25 barko nito na nasa o malapit sa Strait of Hormuz. RNT/MND