MANILA, Philippines – Itinanggi ni Senator Erwin Tulfo nitong Huwebes ang pahayag ni Senator Pia Cayetano na walang miyembro ng minority bloc ang nangumusta sa kanilang mga kasamahan noong insidente ng pamamaril sa Senado noong Mayo 13.
Ayon kay Tulfo, nagpadala umano ng mga mensahe ang minority senators sa kanilang WhatsApp group chat.
“Hindi po. Yung kanyang emosyon po ay siguro po dala po ng takot. Pero noong sinabi niya po na wala pong nangumusta. Meron po kami yung chat group po sa WhatsApp. Lahat po ng mga members ng majority at saka ng mga minority yung 20th Congress na chat group,” ani Tulfo.
Sinabi niya na kabilang sa mga nagpadala ng mensahe sa group chat sina Senator Francis “Kiko” Pangilinan, Senator Bam Aquino, Senator Sherwin Gatchalian, at siya mismo.
Ayon pa kay Tulfo, sumagot si Senator Camille Villar, na nasa loob ng Senado noong insidente, at sinabing maayos silang lahat.
“Meron po nagpadala po ng message. Nakita po doon si Senator Kiko, Senator Bam, Senator Sherwin, maging ako po, yung sa akin po, ipinadala ko po around 9:57. Tapos sumagot po yung si Senadora Camille, sabi niya, ‘Thank you, we’re all okay,’” aniya.
“Nag-message naman po kami sa WhatsApp group po namin. Ewan ko kung bakit hindi po nabasa ni Senator Pia po ‘yun,” dagdag niya.
Nang tanungin kung ano ang laman ng kanyang mensahe, sinabi ni Tulfo: “Ang mensahe ko po ay sabi ko, ‘Praying for all of you’ kasi nga po papunta po ako ng Baclaran po noon nang mga oras po na iyon. So ayun po, noong tinawag sa akin ng [chief of staff] ko na nagkakaputukan.”
Naging emosyonal si Cayetano noong Miyerkules habang sinasagot ang puna ni Senator Risa Hontiveros tungkol sa umano’y “return to normalcy” sa Senado matapos ang insidente.
Samantala, muling nanawagan si Tulfo para sa isang Senate investigation dahil marami pa umanong hindi nasasagot na tanong tungkol sa pangyayari. RNT/MND