MANILA, Philippines – Nagkaroon ng pagbabago sa pamunuan ng ilang komite sa Kamara matapos alisin sa kanilang leadership posts ang hindi bababa sa tatlong miyembro ng House of Representatives.
Inaprubahan ng plenaryo ang mosyon ni Batangas Rep. Ryan Recto upang muling ikonsidera ang pagkakahalal kina Southern Leyte Rep. Roger Mercado at Agusan del Norte Rep. Dale Corvera bilang vice chairpersons ng committee on appropriations.
Inaprubahan din ng Kamara ang mosyon ni Recto na palitan sina Mercado at Laguna Rep. Ramil Hernandez bilang chairpersons ng committee on population and family relations at committee on Southern Tagalog development.
Pinalitan si Mercado ni Northern Samar Rep. Edwin Ongchuan habang si Hernandez naman ay pinalitan ni Laguna Rep. Loreto Amante.
Hindi naman nagbigay ng dahilan ang liderato ng Kamara hinggil sa mga pagbabagong ipinatupad sa committee chairmanships. RNT