MANILA, Philippines – Ipinagpatuloy ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa loob ng linggong ito ang mga hakbang ng administrasyon para sa social development at modernisasyon ng imprastraktura, kabilang ang pagpapalakas ng serbisyong panlipunan, flood mitigation, at seguridad sa pagkain.
Isa sa mga pangunahing programa ang Bawat Bayan Makikinabang Program, na layong mas mabilis na maihatid ang tulong ng gobyerno sa mga komunidad. Sa mga aktibidad sa Metro Manila at Bulacan, libo-libong benepisyaryo ang nakatanggap ng tig-10 kilong bigas at financial assistance, habang 135 scholars ang nabigyan ng tig-P20,000 na tulong pinansyal. Mahigit 2,000 pamilya at 55 scholars naman ang nakatanggap ng kaparehong ayuda sa Obando, Bulacan.
Ayon sa MalacaƱang, umabot na sa mahigit 8,700 barangay sa buong bansa ang natulungan ng programa mula nang ilunsad ito noong Pebrero.
Sa usapin ng koordinasyon ng national at local government, hinikayat ng Pangulo ang LGUs na palakasin ang impormasyon tungkol sa mga health program tulad ng Zero Balance Billing at expanded PhilHealth benefits.
Sa imprastraktura, ininspeksyon ni Marcos ang G. Araneta Drainage Improvement Project sa Quezon City na bahagi ng Oplan Kontra Baha. Ayon sa DPWH, 96% nang tapos ang proyekto na layong mapababa ang pagbaha sa Metro Manila.
Sa food security, nilagdaan ng Pangulo ang Executive Order 116 na nagpapataas sa minimum access volume ng pork imports sa 2026 mula 54,210 MT patungong 204,210 MT upang mapatatag ang suplay at presyo ng baboy.
Tinalakay rin ng Pangulo ang economic resilience ng bansa, patuloy na foreign investment, at suporta sa MSMEs, pati na rin ang paghahanda sa kanyang state visit sa Japan na tututok sa defense, energy security, at supply chain cooperation.
Samantala, nagkaroon din ng pagbabago sa gabinete sa paghirang kay Kim Robert De Leon bilang bagong Kalihim ng Department of Budget and Management (DBM), na siyang pinakabatang miyembro ng gabinete.
Sa usaping seguridad, iniulat na naisumite na sa DOJ ang imbestigasyon ng NBI at PNP tungkol sa insidente sa Senado noong Mayo 13, bilang bahagi ng utos ng Pangulo para sa masusing imbestigasyon. RNT/MND