MANILA, Philippines – Isinusulong ng Pilipinas ang mas risk-based, data-driven at intelligence-led na pamamaraan sa maritime safety sa ika-33 Annual Meeting ng Marine Accident Investigators’ International Forum (MAIIF) na nagsimula noong Oktubre 5, 2026.
Limang araw na hino-host ng Maritime Industry Authority (MARINA) ang forum na dinaluhan ng mga marine accident investigator at maritime safety expert mula sa iba’t ibang bansa upang magbahagi ng mga aral mula sa marine casualties at mapalakas ang accident investigation practices.
Ayon sa Department of Transportation (DOTr), pinapalakas ng pamahalaan ang compliance monitoring at enforcement, koordinasyon ng mga ahensya sa maritime sector, kakayahan ng mga inspector at investigator, at paggamit ng digital systems, analytics at interoperable information.
“Ang bawat maritime casualty ay nagpapaalala sa atin ng kahalagahan ng kapani-paniwala at epektibong imbestigasyon,” pahayag ni MARINA Administrator Sonia Malaluan sa mensaheng inihatid ni PM (Ret.) Deputy Administrator for Operations RAdm. Loumer Bernabe.
Muling pinagtibay ng MARINA ang pangako ng Pilipinas sa independent, objective, credible at internationally aligned na marine safety investigations.
Binigyang-diin naman ni Panglao Mayor Arcay, dating Master Mariner at Harbor Pilot, ang kahalagahan ng wastong pagsasanay at kakayahan ng mga seafarer dahil nakasalalay sa mga nagpapatakbo ng barko at tumutugon sa panganib ang kaligtasan sa dagat.
Tampok din sa unang araw ang presentasyon ni MARINA Research and Statistic Service Director Herbert Nalupa tungkol sa maritime education sa Pilipinas.
Sa mga susunod na sesyon, tatalakayin ang marine casualty cases, human factors, alternative fuels, investigator training, fishing vessel safety, capacity-building, artificial intelligence at mga paraan upang mas maiparating sa maritime industry ang resulta ng mga imbestigasyon. Jocelyn Tabangcura-Domenden