MANILA, Philippines – Isang 58-anyos na negosyanteng babae ang namatay na hinihinalang ninakawan makaraang matagpuan na duguan sa bahay sa Gen Trias City, Cavite, Sabado ng umaga.
Ayon sa report na nakalap mula sa pulisya, naisugod pa sa Divine Grace Medical Center ang biktimang si alyas Santa, may-asawa, negosyante kasalukuyang residente ng Brgy. Pasong Camachile 1 ng nasabing lungsod, na idineklarang patay ng idating sa pagamutan dahil sa mga tinamong sugat nito sa katawan.
Napag-alaman na bandang alas-6:30 ng umaga bago natagpuang patay ang biktima nang dumating umano ito sa kanyang bahay subalit nakalipas ang kinse minutos ay natagpuan itong duguan at hinihinalang binugbog na naging sanhi ng ikinamatay nito.
Ayon sa kanyang dating asawa na isang Barangay Tanod sa lugar, nawawala umano ang bag ng biktima naglalaman ng cash, isang cellphone at CCTV system.
Nagsasagawa naman ang pulisya ng backtracking sa CCTV para sa pagkakakilanlan ng suspek na magpahanggang ngayon ay nakalalaya pa. MARGIE BAUTISTA