MANILA, Philippines – Nasa 17 katao na pawang kabilang sa wanted person at sangkot sa sexual offenses ang inaresto sa magkakahiwalay na lugar sa lalawigan ng Laguna.
Base sa report ng Laguna Police Provincial Office sa pamumuno ni PCol Sandro Jay DC Tafalla, nadakip ang 17 suspek sa isinagawang manhunt operations sa bisa ng warrant of arrest simula May 21 to 24, 2026 sa kasong Sexual Offenses.
Napag-alaman na ang mga akusado ay kapwa sangkot sa paglabag sa 8353 o The Anti Rape Law of 1997, kabilang dito ang Statutory Rape, Sexual Assault, Sexual Abuse, Acts of Lasciviousness, Concubinage at Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.
Ang operasyon ay base sa pinaigting na kampanya ng Laguna Police Provincial Office laban sa mga wanted person partikular sa mga indibidwal na may kaugnayan sa kasong pang-aabuso at karahasang sexual.
Samantalang ang 17 naarestong suspek ay kapwa nakapiit sa magkakahiwalay na himpilan ng pulisya sa lalawigan ng Laguna.
Ang pagkakaaresto sa mga suspek ay alinsunod sa direktiba ni PBGen Hansel M. Marantan Regional Director ng PRO4 CALABARZON na palakasin ang manhunt operations upang ipagkaloob ang hustisyang nararapat sa mga biktima ng karahasan partikular sa mga sexual offenses.
“Patuloy naming hinihikayat ang publiko na makiisa at agad na magsumbong sa mga awtoridad hinggil sa anumang impormasyon laban sa mga wanted person. Dahil hangad ng Laguna PNP ang kaligtasan ng publiko at maipabatid na walang puwang sa lipunan ang mga taong lumalabag sa dignidad at karapatan ng kababaihan at kabataan,” ani PCol Tafalla. Ellen Apostol