ANG lupit ng naging pahayag ni Assistant Ombudsman Mico Clavano laban kay Leyte Representative Martin Romualdez. Aba’y binansagan ba naman niyang “master plunderer” ang dating House Speaker na isa sa pinakamakapangyarihang tao sa bansa.
Pero para sa marami, hindi na ito nakagugulat.
Binabaha ang maraming lugar sa Pilipinas at paulit-ulit ang mga palpak na flood control projects habang bilyon-bilyong piso ang nawawala sa mga programang dapat sana’y nakatutulong sa mamamayan.
Samantala, may isang personalidad namang tila lalo pang yumayaman at namumuhay sa luho.
Matagal nang umiikot ang mga ulat tungkol sa umano’y lawak ng yaman ni Romualdez. May mga property umano sa Forbes Park, mansion at estate sa ibang bansa, malaking property sa Massachusetts, luxury villa sa Spain, pati helicopter at private plane. May mga koneksyon din umano siya sa iba’t ibang corporations at business associates.
Kaya ang tanong ng marami: paano siya nagkaroon ng ganitong kalaking yaman habang ang karaniwang Pilipino ay hirap o nagkakandamatay sa baha at utang?
Marami tuloy ang humanga sa tapang ni Clavano matapos niyang tumbukin ang matagal nang iniisip ng maraming Pilipino. Wala nang paligoy-ligoy at hindi siya nagtago sa technical terms.
Dahil dito, mas lumaki ang pressure sa Office of the Ombudsman dahil nakataya na mismo ang kredibilidad ng ahensya sa usapin ngayon. Kayanin kaya nitong panindigan ang mga naging pahayag? O uurong din kapag may umiiral na impluwensya at kapangyarihan?
Hindi rin kasi maalis ang pagdududa ng publiko dahil fraternity brothers sina Ombudsman Boying Remulla at Romualdez. Hindi na bago sa bansa ang padrino system at utang na loob politics kaya natural lang na magtanong ang mga tao kung hanggang saan kayang manindigan ng isang opisyal laban sa sariling brod.
Dito rin masusukat kung may tunay pang hustisya sa bansa. Kapag nauwi lang sa ingay, press conference, at scripted narratives ang mga kaso laban kay Romualdez, lalo lang mawawalan ng tiwala ang taumbayan sa sistema.
Kaya mahalaga ang mga opisyal na gaya ni Clavano. Sa wakas, may isang taong mula mismo sa loob ng sistema ang naglakas-loob magsabi nang direkta na si Romualdez umano ang sentro ng pandarambong.
May kaunti pa ring pag-asa ang publiko at baka may nalalabi pang hustisya sa bansang ito.






