Home NATIONWIDE 100K–200K Pilipino sa US posibleng maapektuhan ng bagong green card policy

100K–200K Pilipino sa US posibleng maapektuhan ng bagong green card policy

42
0

WASHINGTON, USA – Ayon sa Philippine Ambassador to the US Jose Manuel Romualdez, tinatayang nasa 100,000 hanggang 200,000 Pilipino sa Estados Unidos ang maaaring maapektuhan ng bagong patakaran ng US sa green card applications.

Kasunod ito ng adjustment of status o pag-a-apply ng green card habang nasa US ay ituturing na “discretionary benefit” lamang at hindi karapatan ayon sa US Citizenship and Immigration Services (USCIS).

Ayon kay Romualdez, posibleng kailangang umuwi muna sa Pilipinas ang mga Pilipinong nasa US na naghihintay ng kanilang green card para doon iproseso ang aplikasyon.

“Ngayon hindi na puwede yung iintayin nila dito yung green card. Kailangan umuwi muna sila at saka doon ipo-process,” aniya.

Dagdag niya, layunin ng bagong polisiya na bawasan ang backlog sa US immigration system at tugunan ang mga kaso ng overstaying at denied applications.

Ipinaliwanag din niya na mas magiging diretso umano ang proseso kung dadaan sa US Embassy o consulates sa Pilipinas dahil mas mabilis at mas maayos ang pagrepaso ng dokumento.

Nilinaw ng embahador na hindi maaapektuhan sa parehong paraan ang mga Pilipinong nasa Pilipinas na at dumadaan sa normal na consular processing, gayundin ang mga may valid working visas sa US.

May mga posibleng exemption din umano para sa humanitarian cases tulad ng matatanda o may mabigat na dahilan para hindi makaalis ng US habang hinihintay ang aplikasyon.

Payo niya sa mga apektado, agad kumonsulta sa immigration lawyers upang malaman kung kwalipikado sila sa exemption. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here