MANILA, Philippines – Nanawagan ang Makati Business Club (MBC) para sa isang independent at kapani-paniwalang pamunuan sa Senado habang nagsisilbi itong impeachment court sa paglilitis kay Vice President Sara Duterte.
Ayon sa MBC, mahalaga ang papel ng Senate President bilang “moral compass, administrative guardian, and public face” ng Senado. Sinabi rin ng grupo na kapag nakita ng publiko na masyadong partisan ang Senate President at walang sapat na independensiya, nawawala ang tiwala ng tao sa institusyon.
Hinimok din ng MBC ang mga senador na sundin ang Konstitusyon, panatilihin ang pananagutan ng institusyon, at unahin ang pambansang interes habang isinasagawa ang proseso ng impeachment.
Lumabas ang pahayag matapos magtipon ang Senado bilang impeachment court para litisin si Duterte sa mga alegasyong culpable violation of the Constitution, graft and corruption, at betrayal of public trust.
Noong Mayo 11, pinalitan si Tito Sotto bilang Senate President ni Alan Peter Cayetano, kasabay ng pag-impeach ng Kamara kay Duterte.
Binanggit din ng MBC ang insidente ng putukan at lockdown sa Senado noong Mayo 13 habang inihahatid ang articles of impeachment laban kay Duterte.
Ayon pa sa grupo, “The Makati Business Club respectfully reminds all our senators that you were elected by the people to serve the people and not pursue personal, political or business interests.” RNT/MND